‘Maleta Boys’ issue, para ilayo ang atensiyon sa VP Sara trial
- Published on June 12, 2026
- by Francis Paolo Torres
INIHAYAG ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ang kontrobersiyal na “Maleta Boys” ay lumilitaw na ilayo o i-divert ang atensiyon ng publiko mula sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte.
Sinabi ni Alonto Adiong na kahina-hinala ang timing ng alegasyon maging ang personalidad sa likod nito.
“Very obvious talaga sa akin ‘yun na meron talagang attempt para i-divert ‘yung attention doon sa impeachment trial,” ani Alonto Adiong.
Nag-ugat ang kontrobersiya sa alegasyon ng “Maleta Boys,” isang grupo na binubuo ng 18 dating bodyguards ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co who na nagsabing nagdala sila ng pera na nasa loob ng maleta sa ilang mambabatas at personalidad.
Isa si Alonto Adiong sa pinangalanan sa alegasyon, na kanyang mariing itinanggi.
Sa kakabil na isinasangkot sa kontrobersiya, sinabi ng kongresista na hindi nito matatabunan ang constitutional duty ng senado na ituloy ang impeachment trial.
Inihayag pa nito na ang mga indibidwal na nasa likod ng alegasyon ay nagsabing mismong supporters ni Duterte.
“Sila mismo naman talaga mismo ‘yung nagsasabi na they’re really known to be a supporter of the Vice President,” aniya.
Idinagdag pa ni Alonto Adiong na may mga pagsisikap na dalhin ang grupo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon kahit naghahanda na para sa impeachment trial.
“So makikita mo naman even during the Blue Ribbon Subcommittee, sila talaga ‘yung nag-insist na kailangan mapunta doon ‘yung 18 Marines. Kung titignan mo, from that circumstance alone, hindi mo rin pwedeng masisi ‘yung tao kung ang right away na magiging suspicion niya o magiging observation niya is attempt ito para malihis ‘yung usapin sa impeachment,” saad pa nito.
Ayon sa mambabatas, nakamit ng kontrobersiya ang nais na resulta na makuha ang atensiyon ng publiko palayo sa impeachment case.
“At ‘yun naman talagang naging resulta kasi hindi lang ang House Prosecution Team, hindi lang ‘yung sumusuporta sa impeachment, but even ‘yung mga other sectors like sa legal community, academe, religious community, sinasabi na bakit ninyo ginagawa ito, paglilihis ito doon sa tunay na usapin which is the impeachment trial,” aniya.
Sa kabila ng political controversy at naging tensiyon sa liderato ng senado, nagpahayag ng kumpiyansa si Alonto Adiong na magpapatuloy ang nakatakdang impeachment proceedings.
“Wala naman ako kaduda-duda, matutuloy ‘yan dahil nga naka-receive na nga tayo ng notice o memo galing sa ating Senate President, so tuloy-tuloy na po ‘yan,” pahayag pa nito.
Nakatakdang isagawa ng Senate impeachment court ang pre-trial conference sa Hunyo 18.(vina de guzman)