Malaking tulong ito sa industriya: Sen. CHIZ, isinusulong ang ‘Nora Aunor Act’ para sa pelikulang Pilipino
- Published on August 7, 2025
- by @peoplesbalita
Isinusulong kasi ito ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na makikilala ring Senate Bill No. 283, na any layon ay buhayin muli ang industriya ng pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng tax exemptions at insentibo sa mga accredited stakeholders.
Itatag din ang Nora Aunor Award for Film Excellence.
Sa kanyang panukala, exempted sa income tax, VAT, at customs duties ang mga production companies, independent filmmakers, sinehan, at iba pang kabilang sa industriya. Papayagan din ang 150% deduction ng production expenses sa buwis.
Ayon pa kay Sen. Escudero, “This bill not only honors the legacy of Nora Aunor but also empowers the industry as it contributes to the preservation, enrichment, and dynamic evolution of a Filipino national culture.”
Taun-taon ay gagawaran ang pinakamahuhusay na script at concept ng Nora Aunor Award, na may kasamang cash grant at suporta sa promosyon at international screening.
Hinikayat din ng Senate President ang LGUs na magbigay ng dagdag na insentibo sa mga accredited stakeholders.
Ito ay hindi lang tax reform kundi isang cultural reform para sa sining ng pelikula, ayon pa asawa ni Heart Evangelista.
Winner ito, sa totoo lang at malaki ang maitutulong sa pelikulang Pilipino.
***
ALINSUNOD sa mandato nito na itaguyod ang responsableng panonood at matiyak ang angkop na klasipikasyon sa lahat ng pelikula at programa sa telebisyon, nakapagribyu ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng 11,439 materyales noong Hulyo 2025.
Kabilang dito ang 10,325 programa sa telebisyon, 758 TV plugs, 159 publicity materials, 144 movie trailers at 53 lokal at banyagang pelikula.
“Ang mga numerong ito ay patunay ng matatag naming pangako na protektahan ang pamilyang Pilipino, lalo na ang mga bata, sa pamamagitan ng tama, angkop at responsableng paggabay sa media,” sabi ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto.
Dahil dito, umabot na sa 115,091 materyales ang nabigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB mula Enero hanggang Hulyo 2025.
“Bagamat meron lamang 31 Board Members ang MTRCB, ang pagriribyu nila ng mahigit 11,000 materyales ay patunay ng masigasig nilang serbisyo at tapat na pagtupad sa tungkulin para sa responsableng panonood,” sabi ni Sotto.
Patuloy na tinitiyak ng MTRCB ang pakikipagtulungan nito sa industriya ng paglikha para maisulong ang responsableng panonood para sa bawat pamilyang Pilipino, lalo na sa kabataan.
(ROHN ROMULO)
