Malaking alokasyon sa DA sa 2023 budget
- Published on August 25, 2022
- by @peoplesbalita
IKINAGALAK ni House Committee on Agriculture Chairman at Quezon Rep. Mark Enverga ang panukalang 40% increase ng executive branch sa budgetary allocation ng Department of Agriculture (DA) sa 2023 National Expenditure Program (NEP).
“Masayang masaya kami coming from an agricultural sector magandang balita po para sa ating mga magsasaka yung 39% ang itinaas ng Department of Agriculture so this is good news to the farmers,” anang mambabatas.
Tinotoo rin aniya ni Pangulong Bongbong Marcos ang pahayag nitong number 1 sa agenda niya ay food security.
Matatandaan na boluntaryong kinuha ni Marcos ang tungkulin bilang kalihim ng DA secretary nang magsimula itong manungkulan bilang pangulo upang mapaghandaan ng ahensiya ang posibleng food supply crisis.
Una nang tinanggap ng kamara sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez ang 2023 NEP mula kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman nitong Lunes.
Base sa NEP, ang panukalang badyet para sa DA sa susunod na taon ay P184.1 billion. Mas mataas ito ng P81.6 billion sa 2022 NEP allocation ng ahensiya na P132.2 billion. (Ara Romero)