• April 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malakanyang sa pagpapakulong sa mga dawit sa flood control mess: Marami pa ang mangyayari at magaganap

HINDI pa tapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaya’t marami pang bagay ang asahan na mangyayari sa imbestigasyon ng malawakang flood control anomaly.
“Hindi pa po natatapos ang termino ng Pangulo, marami pa po ang mangyayari at magaganap,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Tugon ito ng Malakanyang sa kritisismo na hindi nagkatotoo ang sinabi ng Pangulo na marami itong mapakukulong na sangkot sa flood control anomaly bago mag-Pasko, lumalabas kasi na ang kontratista na si Sarah Discaya lamang ang naaresto.
“Ang binanggit po ng Pangulo doon sa kanyang report ay sa mga taong nabanggit niya, marami ang hindi magiging merry ang Christmas. Wala naman siyang binanggit kung sinong pangalan,” ani Castro.
“Pero tandaan natin, sa higit na apat na buwan may mga nakulong, may mga warrants of arrest na na-issue, may mga nagtago, mayroong nakikipag-usap at nagsi-settle at ibinibigay—rather restitution, isinusoli ang karamihan sa kanilang mga kickbacks na hindi naganap, never nangyari sa anumang administrasyon. Sa administrasyon lang po ni Pangulong Marcos nangyayari ang mga ito,” aniya pa rin.
Todo-paliwanag pa rin si Castro sa naging pangako ng Pangulo hinggil pagpapakulong sa mga sangkot sa flood control mess.
“Ang pagsabi po niya ng mayroong mga taong hindi magiging merry ang Christmas, iyong mga nakulong po definitely hindi naging merry ang Christmas. Pero hindi pa naman po natatapos ito. Kung mayroon pang inaabangan ang mga tao, mayroon din pong inaabangan ang Pangulo,” anito.
Hinihintay din aniya ng Pangulo ang mabilisang resolusyon na magmumula sa Ombudsman at Department of Justice (DoJ).
“Kung lahat ng maaaring sangkot ay matibay ang ebidensiya at iyon naman ang gusto ng Pangulo, due process ay inoobserba. Hindi pa po natatapos ang termino ng Pangulo, marami pa po ang mangyayari at magaganap,” ang sinabi ni Castro.
Samantala, wala pang updates si Castro hinggil naman sa kung papalitan ni Pangulong Marcos ang mga nagbitiw na miyembro ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
“Sa ngayon ay wala pa po tayong—hindi po tayo nabibigyan ng update kung magkakaroon po ng replacement,” anito.
Ginarantiya naman ni Castro na bagaman isa na lamang ang naiwang miyembro ng ICI, nananatili namang committed ang komisyon na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa flood control corruption issues.
“At sa kasalukuyan po ay nagtatrabaho pa rin po ang mga nasa ICI at nandiyan din po ang Ombudsman na nangako na magpapatuloy po sila at nandiyan pa rin po ang enthusiasm na pabilisin ang pag-iimbestiga sa mga nasampahan na ng kaso,” dagdag na wika nito.
“So, hindi naman po titigil kahit po sabihin natin na isa na lang ang miyembro ng ICI, nandiyan pa rin naman ang executive director. Patuloy pa rin po ang pag-iimbestiga so hindi po titigil sa pag-iimbestiga,” aniya pa rin.
( Daris Jose)