• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malakanyang, pinuri ang paninindigan ni Cong. Sandro sa impeachment complaint laban sa kanyang ama na si PBBM

PINURI ng Malakanyang ang naging pasya ni House Majority Leader Sandro Marcos na huwag nang lumahok sa mga deliberasyon at proceedings ng Kamara na may kaugnayan sa inihaing impeachment case laban sa kanyang ama na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang desisyon ng mambabatas na umurong mula sa deliberasyon kaugnay sa impeachment complaint laban mismo sa kanyang ama ay sumasalamin sa integridad at paggalang para sa democratic institutions.
“The act of Congressman Sandro Marcos inhibiting himself voluntarily from this issue, especially regarding the impeachment complaint filed against his own father – it is a hallmark of a statesman,” ang sinabi ni Castro.
“It shows his character; it shows his decency. And we believe that it is the right thing to do,” aniya pa rin
At nang tanungin kung pinayuhan ba ng Pangulo ang kanyang anak na mag-inhibit, sinabi ni Castro na hindi pinakikialaman ni Pangulong Marcos ang anumang aksyon ng kanyang anak.
“Hindi po nakikialam ang Pangulo sa mga anumang aksiyon na gagawin ng kaniyang anak dahil ang alam po niya kailangan lamang pong tumupad ang kaniyang anak sa mandato,” ang winika ni Castro.
Aniya pa, bilalang halal na opisyal, naiintindihan ni Cong. Marcos ang kanyang responsibilidad sa ilalim ng batas.
“Bilang public servant alam po ni Congressman Marcos kung ano po ang sinasabi ng batas at ano po ang dapat niyang gawin,” ani Castro.
Sa ulat, sinabi ni Congressman Marcos, na hindi na siya lumahok sa mga deliberasyon at proceedings ng Kamara upang panatilihin ang integridad ng Kongreso at protektahan ang kredibilidad ng mga proseso at para maitaguyod ang tiwala ng publiko sa constitutional system.
Bagama’t batid umano niya na hindi naman inoobliga ang kanyang pag-inhibit sa ilalim ng House Rules at tiwala siya sa independence at propesyonalismo ng mga kasamahan, kinikilala nito na may mga pagkakataong ang liderato ay kailangang magpigil sa halip na lumahok.
Dapat aniyang hayaan ang Kamara na gampanan ang constitutional duties nang walang personal na interes kaya ang kanyang pag-inhibit ay titiyak na walang magdududa sa pagiging patas ng proseso.
Sa kabila nito, mananatili umano ang commitment ni Cong. Marcos sa pagganap sa tungkulin bilang Majority Leader ng Kamara sa ibang mga bagay. (Daris Jose)