Malakanyang, pinabulaanan ang patutsada ni Pulong Duterte na ang ‘impeachment complaint’ laban kay PBBM ay isa lamang ‘scripted distraction’
- Published on January 21, 2026
- by @peoplesbalita
PINABULAANAN ng Malakanyang ang patutsada ni Davao Rep. Paolo “Pulong” Duterte na ang impeachment case na inihain laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay ‘isang pagtatanghal lamang.’
Nauna na kasing sinabi ni Pulong Duterte na nakakagulat ang sitwasyon dahil ang abogado na si Atty. Andrei De Jesus na naghanda ng impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos ay siya ring abogado ni Unang Ginang Liza Marcos na nag-file ng disbarment complaint laban kay dating Biliran Rep. Glenn Chong.
“Ang Pangulo at ang administrasyon na ito ay hindi eksperto sa paggawa ng intriga at eksperto sa pag gawa ng ebidensya,” ang pagdepensa naman ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
“Ang First Lady ay hindi nagsasampa ng disbarment case… kung nagsampa siya ng disbarment case, ito ay of his own volition. Hindi niya nirerepresent ang Unang Ginang,” aniya pa rin, tinukoy si De Jesus.
“Walang katotohanan… So sana po matapos na ang pagiging source of fake news ng mga kaalyado nila,” diing pahayag ni Castro.
Sinagot din ng Malakanyang ang alegasyon ni Pulong Duterte na sinadyang maghain ng kampo ng Pangulo ng mahinang impeachment case laban kay Pangulong Marcos para maiwasan ang pagbabawal ng Korte Suprema ng pagkakaroon ng multiple impeachment cases na paghahain laban sa isang opisyal sa loob ng isang taon.
“Hindi maganda sa imahe ng Pangulo na siya ay masampahan ng impeachment complaint,” ayon kay Castro.
“Hindi din ito maganda sa pananaw ng mga ekonomista… Hindi ito bentahe, kahit sino pa ang nagsampa niyan,” dagdag na wika ni Castro
Samantala, humirit naman si Sen. Imee Marcos, kapatid ni Pangulong Marcos na ang impeachment complaint na isinampa laban sa huli ay isang “drama.”
“Tinatanong nyo ako. Isa na naman drama series na mukhang tatagal ng isang taon. Kilala naman natin sino nag-file at anong background. Kaya, yun nga, baka drama series lang to para sa isang taon.” ayon kay Sen. Marcos.
Kumbinsido siya na ang complaint ay naglalayon na i-preempt ang ibang reklamo.
At nang tanungin ukol sa mga prospect nito, sinabi ni Senator Marcos na, “Hindi ko nabasang maigi eh. Kasi natatawa ako sa itsura. Wala. Masyadong obvious na drama series. Marami tayong napanood na na-pelikulang ganun eh.” ( Daris Jose)