• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malakanyang, patuloy na nakikipag-ugnayan sa DILG para mahanap ang puganteng si Zaldy Co

PATULOY na nakikipag-ugnayan ang Malakanyang sa Department of Interior ang Department of Interior and Local Government (DILG) hinggil sa pagtugis sa puganteng si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co lalo pa’t napabalita na nasa isang gated community ang dating kongresista sa Lisbon, Portugal.
Sa katunayan ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang ay sinabi ng DILG na aalamin nila kung ito’y may katotohanan.
Tiwala naman aniya ang Pangulo sa ginagawa ng mga ahensiya ng gobyerno ang trabaho nito lalong lalo na sa pagtugis sa mga pugante.
Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na gagawin ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng paraan para maiuwi ang dating mambabatas na si Zaldy Co, na sangkot sa mga anomalya sa flood control.
Ayon kay Remulla na inatasan sila ni Pangulong Ferdinand ‘’Bongbong’’ Marcos Jr. na pag-aralan ang iba pang paraan upang maibalik ang dating mambabatas sa Pilipinas.
Nilinaw niya ang kanyang pahayag na nais ng Pangulo na magkaroon ng extradition treaty sa Portugal para sa pag-aresto kay Co.
Sa kabilang dako, hindi naman niya masabi ni Castro kung may frustration ang Pangulo dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin mahuli si Zaldy Co.
Alam naman kasi aniya ng Pangulo na ang mga namumuno sa mga ahensiya ng pamahalaan na tumutugis sa mga fugitive ay nagtatrabaho ng ayon sa utos niya (Pangulo).
Kailangan lamang aniya na mas pursigihin pa ang paghahanap sa mga taong nagtatago sa kamay ng batas.
Kumpiyansa aniya ang Pangulo na mahuhuli at madadala ang mga nagtatago sa kamay ng batas dito sa Pilipinas para panagutin kung sila ay dapat na mapanagot.
(Daris Jose)