Malakanyang, niresbakan si VP Sara sa panunuya sa anti-drug ops ng administrasyon
- Published on October 15, 2026
- by Francis Paolo Torres
KINUWESTIYON ng Malakanyang ang reaksyon ni Vice President Sara Duterte sa illegal drug operations ng gobyerno sa kalapit-bansa sa Southeast Asian.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na tila na-overlooked ni VP Sara ang pagsisikap ng administrasyong Marcos na mapigilan na makapasok sana sa bansa ang illegal na droga.
Nauna rito, sinabi ni VP Sara na ikinahihiya niya ang pagkakadawit ng Pilipinas sa illegal na kalakalan ng droga sa Southeast Asia.
Ito ay matapos mapag-alaman na Pilipinas ang destinasyon ng bulto-bultong iligal na droga na ipadadala sana mula Laos sakay ng private jet.
Kaya nga kinuwestiyon ni Castro ang naging reaksyon ni VP Sara sa mga nasasabat na illegal droga sa ibang bansa subalit hindi naman nagbibigay ng kaparehong atensyon sa mga illegal na droga na nasasabat sa bansa.
“Nakapagtataka na sa lahat-lahat po nang nai-intercept na mga iligal na droga ay ito ang tanging … bukod tangi – kung mayroon akong maling nasabi, ako ay inyong ikorek – pero parang ito ang bukod tanging napakabilis na mag-react ng Bise Presidente,” ayon kay Castro.
Tinukoy ni Castro ang nasabat na ilegal na droga ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na iniulat sa publiko ng mga awtoridad.
Kabilang dito ang insidente ng pagkakasamsam ng Bureau of Customs (BoC) ng shabu noong Oktubre 5 na nagkakahalaga ng P43.7 million mula sa 8 abandonang parcels at ang pagharang sa ketamine na nagkakahalaga ng P20.7 million sa Clark noong Oktubre 6.
Tinukoy nito ang hiwalay na pagkakasabat sa Ninoy Aquino International Airport ng shabu na nakatago sa makinarya,
Ani Castro, iniulat ng PDEA na ang ilegal na droga na nasamsam sa regional case ay patungo sa Mindanao at iniuugnay sa Golden Triangle, isang notorious drug-producing at trafficking area sa Southeast Asia.
Binanggit din ni Castro ang 2018 magnetic-lifter case, kung saan natuklasan ng mga awtoridad ang pinaghihinalaang shabu sa loob ng magnetic lifters, habang taliwas sa pampublikong pahayag ukol sa presensiya ng ilegal na droga.
Itinatwa naman ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang nasabing report ukol sa shipment sabay sabing ito’y “pure speculation,” habang pinanindigan naman ng PDEA na mayroong shabu.
“Nasaan na kaya ang missing shabu na ito,” ang winika ni Castro sabay paglilinaw na wala siyang inaakusahan ni isa man sa nasabing balita,
“Wala po tayong pinagbibintangan, parte po ito ng balita,” aniya pa rin.
Nanindigan naman si Castro na inihayag ng administrasyon sa publiko ang drug seizures at ang patuloy na pagsasagawa ng mga awtoridad ng anti-drug operations.
(DARIS JOSE)