• February 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malakanyang kay VP Sara: ” Puro drama, walang gawa”

PARA sa Malakanyang, kailangan nang itigil ni Vice-President Sara Duterte ang drama at sa halip ay gumawa ng aksyon na magpapatunay na ganap na ginagampanan nito ang kanyang mandato.
Pinalagan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang ang sinasabing pag-aalala ni VP Sara sa kasalukuyang kalagayan ng bansa at hayagang sinabi na nakagawa ng impeachable offense si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Unang-una, masasabi natin ang Bise President ay bulag, hindi niya nakikita kung ano ang ginagawa ng Pangulo,” ayon kay Castro.
Ani Castro, hindi na nakagugulat ang pambabatikos ni VP Sara laban kay Pangulong Marcos at sa administrasyon nito dahil ang kanyang ginagawa at aksyon ay sumasalamin sa tunay na pag-uugali ng isang Duterte.
Malinaw na ipinapakita na ngayon ng isang Duterte ang katangian ng isang “emotional vulture pretending to be concerned about the state of the country.”
“Nananatili siyang bulag dahil malamang ay hindi niya pinanonood or ayaw niyang panoorin kung ano ang nagaganap na katotohanan sa mga ginagawa ng Pangulo at ng administrasyon ngayon,” anito.
“In fact, she admitted that she doesn’t want to help the President in his projects for the country. Drama pero walang gawa,” dagdag pahayag ni Castro.
Samantala, pinayuhan naman ni Castro si VP Sara na iprayoridad ang sarili niyang impeachment cases bago pa batikusin ang kasalukuyang administrasyon. (Daris Jose)