Malakanyang, ikakasa ang legal na aksyon laban sa mga mapagsamantala sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan
- Published on March 10, 2026
- by @peoplesbalita
NEWS 1 MULING inulit ng Malakanyang ang babala nito laban sa mga profiteers o mga taong sinasamantala ang patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
Binigyang diin ng Malakanyang na hahabulin sila ng batas.
“Ang panawagan ng Pangulo (Ferdinand Marcos Jr.) ay magkaisa tayo kung ano ang nangyayari po ngayon sa Middle East. Dapat tayo magkaisa at magtulungan. Hindi tayo kinakailangang maghatakan pababa,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
“At sa mga tao, hindi dapat kayo magsamantala. Ang gusto ng Pangulo ay magtulungan tayo. Kapag kayo ay nagsamantala, meron kayong kalalagyan. Kayo ay madedemanda at maaaring matanggalan kayo ng pagkakataon na kayo ay makapagnegosyo,” aniya pa rin.
Kamakailan ay sinabi ng Pangulo na patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang presyo ng mga bilihin upang maiwasan ang hoarding at profiteering, habang tinutulungan ng DFA, DMW, at OWWA ang mga Pilipinong nasa Gitnang Silangan, kabilang ang repatriation para sa mga nais umuwi.
Iginiit ng Pangulo na bagaman hindi kontrolado ng Pilipinas ang digmaan, gagawin ng pamahalaan ang lahat upang maprotektahan ang kapakanan ng mga Pilipino. (Daris Jose)