• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 19, 2025
    Current time: October 19, 2025 11:39 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malakanyang, hinikayat ang publiko na iwasan ang karahasan sa gitna ng imbestigasyon hinggil sa flood control

PINAYUHAN ng Malakanyang ang publiko na iwasan na makisama o sumawsaw sa mga grupo na nangunguna sa karahasan at hayaan na gumalaw ang legal na proseso sa usapin ng flood control.

Ang pahayag na ito ng Malakanyang ay matapos na magsagawa ang protesta ang militanteng grupo at flood survivors sa mga ari-arian na pag-aari ng kontrobersiyal na contractor couple Pacifico at Sarah Discaya.

Ayon sa ulat, binato ng mga putik at nag-spray ng salitang “magnanakaw” ang mga ito sa compound gate ng Discaya-owned St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp. sa Pasig City, Huwebes ng umaga.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi papayagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang anumang public disorder.

“Sabi nga po ng Pangulo, sinusunod po natin ang due process. Ang pag-uutos na imbestigahan lahat ay para rin po sa taumbayan. Pero hindi po ninanais na magkaroon ng kaguluhan,” ani Castro.

“Hindi po iyan ang nais ng Pangulo. Nais ng Pangulo ay maliwanagan lahat tayo kung ano ang nangyayari sa mga flood control projects at maibigay ang nararapat sa taumbayan,” aniya pa rin.

Winika pa ni Castro na nagpapatuloy ang imbestigasyon ukol sa kuwestiyonableng flood control projects dahil layon nitong tugisin ang mga nasa likod nito upang matiyak ang ‘transparency at accountability.’

Pinayuhan din niya ang taumbayan na huwag magpadala sa mga maling impormasyon na “further fuel their anger,” sabay sabing ang ganitong pagsisikap ay ‘counterproductive.’

Sa kabilang dako, inatasan na aniya ang law enforcement agencies na pigilan na maulit ang senaryo at tiyakin ang kapayaan at kaayusan sa gitna ng imbestigasyon sa flood control projects.

Samantala, hinikayat naman ni Castro ang publiko lalo na ang mga kabataan at nasa vulnerable sector na maging biglante at mag-isip matapos sabihin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na sinasamantala ng rebeldeng komunista ang isyu ng korapsyon sa gobyerno para makapag-recruit ng kanilang bagong miyembro.

“Mag-isip po tayo dahil hindi po ito nadadaan sa dahas, at huwag po sanang gamitin ito kung ito ay naaayon sa report ng mga rebelde, ng mga obstructionists o mga kalaban sa pulitika,” ang sinabi ni Castro.

“Hindi po ito kailangang gamitin para magalit kayo sa gobyerno o magalit kung kanino man. Magtulung-tulong po tayong lahat para masawata ang korapsyon dito sa bansa,” aniya pa rin.

(Daris Jose)