Malakanyang, hinihintay ang ‘positibong sagot’ ni Torre sa alok na bagong gov’t post sa kanya ni PBBM
- Published on August 29, 2025
- by @peoplesbalita
HINIHINTAY ng Malakanyang ang positibong tugon ni dating Philippine National Police chief Gen. Nicolas Torre III kaugnay sa alok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bagong posisyon sa kanya sa gobyerno.
Sa ngayon ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang ay wala pang natatanggap na anumang salita ang Malakanyang mula kay Torre.
“Mayroon po talagang inaalok katulad po ng sinabi natin. At sa ngayon po ay wala pa pong komento,” ayon kay Castro.
“Hintayin na lamang po natin kung ano magiging positibong reaksyon ni General Torre dito,” dagdag na wika nito.
Matatandaang, sinibak ni Pangulong Marcos si Torre sa puwesto na kinumpirma naman ito ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Ipinag-utos ni Pangulong Marcos na tanggalin sa kanyang posisyon bilang PNP chief si Torre, batay sa dokumento na may petsang August 25.
Si Torre na itinalaga ni Marcos noong buwan ng Mayo ay halos tatlong buwan pa lamang sa kanyang puwesto.
Siya ang police general na nasa likod ng high-profile arrests kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong buwan ng Marso, at kay Pastor Apollo Quiboloy noong September 2024.
Bago ang pagsibak kay Torre bilang PNP chief, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng PNP at kanyang administrative boss, ang National Police Commission (Napolcom).
Una rito, kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government at Napolcom chairperson Juanito Victor “Jonvic” Remulla, na tinaggihan niya ang ibang inaprubahang reassignment na ipinatupad ni Torre.
Kinumpirma rin ng Napolcom sa pamamagitan ni Remulla ang inilabas na memorandum na nagsasabing lahat ng appointments at assignments ng level three officer, mula police colonels hanggang police generals ay kailangan na dumaan sa pag-aaral ng Napolcom.
Samantala, sinabi ni Remulla na pinalitan ni Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. si Torre bilang PNP chief.
Matatandaan na itatalaga sana si Nartatez bilang commander ng Western Mindanao na tinututulan ng Napolcom.
( Daris Jose)