• October 21, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 21, 2025
    Current time: October 21, 2025 2:59 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malakanyang, hindi masigasig na buwagin ang DPWH

HINDI masigasig ang Malakanyang na buwagin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa gitna ng usapin ng korapsyon sa infrastructure projects, partikular na sa flood control programs.

”Sa ngayon po ay hindi pa po naiisip kung dapat itong i-abolish dahil dapat ang tanggalin dito ay iyong mga gumagawa ng mali. Madali naman pong malaman kung sino-sino ito at sa tulong na rin po ni Secretary Vince (Dizon), matatanggal po ang dapat matanggal sa ahensiya,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Ang katuwiran pa rin ni Castro, hindi naman lahat ng nasa ahensiya ay sangkot sa korapsyon.

”Ang departamento, hindi po lahat ng mga nangangasiwa at hindi po lahat ng mga taong-gobyerno sa DPWH ay masasabi nating gumagawa ng kamalian. May mga public servants pa rin po at public officials na masasabi nating tumutugon sa kanilang mga obligasyon,” aniya pa rin.

Sa ulat, naniniwala si Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian na mas mabuting buwagin na lamang ang DPWH at magtatag ng bago.
Ito ay dahil sa umano’y korapsyon na bumabalot sa ahensya kabilang ang isyu ng maanomalyang flood control projects at kamakailangan natuklasan na anomalya sa farm to market road projects.

Sa palagay ng senador, aabutin ng maraming taon bago malinis ni Public Works Secretary Vince Dizon ang ahensya.
Bilang halimbawa, binanggit ni Gatchalian na may mga ghost project o na natuklasan sa iba’t ibang panig ng bansa — hindi lang sa Bulacan — na nagpapakita ng malawakang korapsyon sa loob ng DPWH.

Nabusisi ang ahensya matapos lumabas ang mga ulat na ilang lokal na opisyal nito ang sangkot sa mga maanomalyang flood control projects, partikular sa lalawigan ng Bulacan. ( Daris Jose)