Malakanyang, ginagalang ang desisyon ng SC sa impeachment ni VP Sara; hindi absuwelto sa pananagutan
- Published on January 31, 2026
- by @peoplesbalita
GINAGALANG ng Malakanyang ang desisyon ng Korte Suprema na nagpapatibay na ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ay labag sa Saligang-Batas, binigyang diin na hindi nito maaayos ang mga isyu ukol sa posibleng pananagutan.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang desisyon ng Korte Suprema ay hindi base sa merito ng impeachment complaints.
“Igagalang po ng Pangulo, ng administrasyon kung anuman po ang naging desisyon ng Supreme Court,” ayon kay Castro.
“Makikita naman po at mababasa natin kung ano naging desisyon ng Supreme Court. Hindi po ito patungkol sa paglilinis sa isang issue ng nasabing subject matter sa nasabing desisyon. So, kung may pananagutan, sabi nga po ng Pangulo–kung dapat managot, dapat managot,” aniya pa rin.
Sa ulat, pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyong nagdedeklarang unconstitutional o labag sa Saligang Batas ang impeachment case laban kay VP Sara.
Ito ay matapos magpasya ang Kataas-taasang Hukuman with finality na ibasura ang mosyon ng House of Representatives kaugnay ng ruling nito sa impeachment noong July 2025.
Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Ting, nilabag ng naging proseso ang one-year bar rule nang ihain ang ikaapat na impeachment complaint laban kay VP Sara.
Batay sa motion for reconsideration na inihain ng Kamara, iginiit nitong hindi nilabag ng ikaapat na impeachment complaint ang one-year bar rule, at naging epektibo lamang umano ito matapos ma-archive ang unang tatlong reklamo.
Gayunman, ayon sa Korte Suprema, labag sa Saligang Batas ang hindi agarang pag-aksyon sa unang tatlong impeachment complaint at ang pagpasa ng ikaapat na reklamo.
Samantala, sinabi ni Castro na hindi makikialam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa plano ng Kongreso na baguhin ang Rules of Impeachment bilang pagsunod sa kamakailan lamang na desisyon.
Ang Pangulo aniya ay nahaharap din sa impeachment complaints sa Kongreso.
“Trabaho po iyan ng Kongreso, hindi po makikialam ang Pangulo,” aniya pa rin.
(Daris Jose)