Malabon, Navotas patuloy ang sandbagging operations
- Published on June 4, 2025
- by @peoplesbalita
Sa Malabon, nag-deploy ang City Engineering Department (CED), ng 505 sandbag sa mga kritikal na daluyan ng tubig upang mabawasan ang panganib ng pagbaha sa ilang barangay at pangalagaan ang mga komunidad na mababa.
Tinutugunan ng proactive na panukalang ito ang patuloy na pagkukumpuni ng Malabon-Navotas River Navigational Gate, na pinamamahalaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na pansamantalang nagpapahina sa mga flood control system sa ilang bahagi ng Malabon at Navotas.
“Sa ngayon po ay patuloy nating tinututukan ang pagsasaayos ng nasirang navigational gate, na muling nasira dahil sa mechanical issue. Nagdulot ito ng pagbabaha, lalo na tuwing high tide. At ngayong papasok na ang tag-ulan, mas paiigtingin pa natin ang mga programa para sa kaligtasan ng ating mga residente. Kooperasyon at pagtutulungan lamang po ng bawat isa sa atin ang kailangan,” pahayag ni Mayor Jeannie Sandoval.
Kasabay nito, patuloy din ang mga cleanup drive at declogging operations ng lungsod na isinagawa ng CED at ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO), na nakatuon sa mga pangunahing kalsada, eskinita, daluyan ng tubig, at drainage system.
Noong Mayo, personal na namahagi si Mayor Jeannie ng mga food packs—kabilang ang bigas, canned goods, noodles, at kape—sa mahigit 1,000 apektadong residente ng Barangay Hulong Duhat, kasunod ng matinding pagbaha dulot ng hindi gumaganang gate.
Sa Navotas, tuloy-tuloy rin ang pagsasagawa ng sandbagging sa iba’t ibang lugar sa lungsod lalo na sa mga mababang lugar para mapigilan ang pagpasok ng tubig sa mga kalsada tuwing high tide.
Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, tuloy-tuloy din ang operation ng kanilang mga bombastik pumping stations para mapabilis ang pagbaba ng tubig .
Proyekto umano ng MMDA ang pagsasaayos ng navigational gate na inaasahan matatapos sa ikalawang linggo ng Hunyo. (Richard Mesa)