• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 19, 2025
    Current time: October 19, 2025 11:14 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malabon, nagtala ng mababang kahirapan noong 2023

NAKAPAGTALA ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Jeannie Sandoval ng pagbabawas ng kahirapan sa Malabon na muling nagpapatibay sa pangako ng lungsod na maghatid ng mga programang nagpapasigla sa buhay ng bawat Malabueno.

Ayon sa National Anti-Poverty Commission (NAPC), nagtala ang Malabon City ng mababang poverty incidence rate sa mga pamilya, na bumaba sa 2.9% noong 2021 hanggang 1.5% lamang noong 2023 na nagsasalin sa pagbaba mula sa humigit-kumulang 2,620 pamilya hanggang 1,380.

Ang poverty incidence ay tumutukoy sa proporsyon ng mga pamilya o indibidwal na ang per capita income o expenditure na mas mababa sa per capita poverty threshold, gaya ng tinukoy ng Philippine Statistics Authority (PSA).

“Patunay po ito ng ating pagtupad sa pangako at layuning maitaas ang antas at kalidad ng pamumuhay para sa bawat tahanan dito sa Malabon. Mula sa mga programang tumutulong sa pangangailangan, pagpapalago ng ekonomiya, hanggang sa mga inisyatibong nagbibigay ng oportunidad para sa kabuhayan at trabaho. Prayoridad natin ang pag-unlad ng buhay, kaya’t tayo ay patuloy na magkaisa upang mapuksa ang kahirapan at maisakatuparan ang pangarap na maganda at masaganang buhay,” ani Mayor Jeannie Sandoval.

Pinuri ng NAPC ang pagpapatupad ng Malabon ng Malabon Ahon Blue Card (MABC) program, na direktang naghahatid ng tulong pinansyal at mga serbisyong panlipunan sa mga residente sa pamamagitan ng mas mahusay, digitalized na proseso.

Pinahusay din ng lungsod ang mga transaksyon sa negosyo sa pamamagitan ng Electronic Business One-Stop Shop, sa ilalim ng Ease of Doing Business Program, na nagbibigay-daan sa mga negosyante ng Malabueno na ma-access ang iba’t ibang serbisyo sa pamamagitan ng mga mobile device.

Bilang pagkilala sa mga inisyatiba nito sa trabaho, ang PESO ng Malabon ay tinanghal na Best Local Government Unit Implementing the DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Oktubre.

Kamakailan, iniulat ng PSA na ang Malabon ay nag-post ng 7.27% GDP growth rate noong 2024, at lumampas sa NCR average na 5.6% kaya itinampok ang Malabon bilang isa sa top-performing local economies sa Metro Manila dahil sa pag-unlad ng negosyo, kabuhayan, at trabaho sa buong lungsod.

Nakipagpulong si Mayor Sandoval kay NAPC Secretary Lope Santos III para talakayin ang pagbabalangkas ng Local Poverty Reduction Action Plan (LPRAP) ng Malabon, alinsunod sa RA 11291 (Magna Carta of the Poor) na naglalayong pagbutihin ang mga programa laban sa kahirapan at palawakin ang access sa mga pangunahing serbisyo.

“Taos-pusong pasasalamat sa bawat Malabueño, empleyado, at residente na patuloy na nakikiisa sa ating mga inisyatibo. Ang parangal na ito at ang inyong suporta ang nagsisilbing inspirasyon ng Pamahalaang Lungsod, sa pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval, sa pagbuo ng mga programang nakatuon sa pagpapabuti ng buhay at pag-unlad ng Malabon,” pahayag naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. ((Richard Mesa)