• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 7:04 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malabon LGU nakipag-ugnayan sa MCM para alisin ang mga nakatambak na basura

BILANG bahagi ng mga hakbangin upang mapanatiling malinis at malusog ang Malabon para sa mga Malabueño, nakipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod sa pamunuan ng Malabon Central Market (MCM) para sa agarang pag-alis at pagtatapon ng mga nakaimbak na basura sa palengke na nagdudulot ng mabahong amoy at istorbo sa mga residente at namamalengke.

 

 

“Patuloy po tayo sa ating mga isinisasagawang programa at operasyon upang mapanatiling malinis ang bawat sulok ng Malabon. Sa kabila nito ay ating nabalitaan na ilan sa ating mga mahal na Malabueño ang nagpahayag ng kanilang pangamba dahil sa mga basurang nakatambak sa MCMt na pinapatakbo ng isang pribadong korporasyon. Kasama na rito ang mga mamimili at mga nagtitinda na nangamba sa kanilang kalusugan at maging sa kanilang trabaho. Kahit na ang isyung ito ay nasa ilalim na ng management ng palengke, ating sisiguruhin na sila ay mapapaalalahan tungkol sa kanilang responsibilidad at masigurong mapanatiling malinis ang kanilang lugar na siyang pangunahin nating layunin dito sa Malabon,” ani City Administrator Dr. Alexander Rosete.

 

 

Ipinaliwanag ng Business Process and Licensing Office (BPLO) na ang MCM ay nasa ilalim ng private-public partnership agreement sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng Prestonburg Development Corporation, na nangangahulugan na lahat ng aktibidad ng merkado kabilang ang koleksyon ng basura at market fee ay nasa ilalim na ng responsibilidad ng nasabing kumpanya.

 

 

Gayunpaman, tinitiyak ng lokal na pamahalaan na ang lahat ng operasyon nito ay naaayon sa layunin ng malinis, berde, at ligtas na Malabon.

 

 

Nauna nang nagpadala ng liham ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa pamunuan ng MCM na nagpapaalala sa kanila na tanggalin ang mga basura sa loob ng 24-oras.

 

Ibinahagi nito na ang pamunuan ng MCM ay may umiiral nang kontrata sa Metro Waste Solid Waste Management Corporation para sa mga operasyon sa paghakot ng basura (lalo na ang malalaking basura). Gayunpaman, may mga isyu sa koleksyon ng basura na naging sanhi ng pagtatambak ng mga basura sa lugar na dapat tugunan ng pamunuan ng pamilihan.

 

 

Sinabi ng BPLO na inaasahan nila na ang pamamahala ng pamilihan ay gagawa ng mga kinakailangang hakbang hinggil sa isyu at sumunod sa mga patakarang itinatag ng lungsod at na nakasaad sa kanilang kasunduan. (Richard Mesa)