• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malabon LGU, nakahanda kay “Crising”

BILANG paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Crising, nagsasagawa na  ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon ng pagbuo ng lahat ng kinakailangang mapagkukunan upang matiyak ang kaligtasan at kahandaan ng lungsod.

Isang pagpupulong ang ipinatawag ni Mayor Jeannie Sandoval mula sa grupo ng emergency  response ng lungsod at mga kinatawan ng iba’t ibang departamento kabilang  ang Malabon DRRMO, at iba pang national at lokal na ahensya.

Kabilang sa mga tinalakay ang mga komprehensibong estratehiya sa pagtugon at mga contingency measures sakaling maapektuhan ng bagyo ang ilang bahagi ng lungsod at upang matiyak ang maayos na komunikasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan upang maprotektahan ang mga residente sa anumang banta ng sakuna sa panahon ng malakas ng malakas na pag-ulan.

“Sa mga ganitong panahon, maipapakita at maipapamalas natin ang bayanihan, ang ating pagkakaisa para sa kapakanan ng lahat. Lahat ng kagamitan para sa kaligtasan ng mga Malabueño sa panahon ng mga sakuna ay inihanda na, pati na rin ang ating mga tauhan sa pagtugon sa sakuna. Binabantayan namin ang Bagyong Crising at ang posibleng epekto nito sa ating lungsod. Mangyaring makipag-ugnayan, makipagtulungan, at manatiling mapagbantay at handa upang matiyak ang mabilis at epektibong operasyon at ang inyong kaligtasan,” ani Mayor Jeannie.

Tiniyak naman ng MDRRMO sa publiko na ang kanilang Command and Communication Center, ay handa  upang  subaybayan ang lahat ng bahagi ng lungsod sa panahon ng masamang lagay ng panahon.

Nakipagpulong din ang MDRRMO sa mga konseho ng disaster risk reduction and management ng 21 barangay ng lungsod upang palakasin ang kahandaan at koordinasyon habang in-update naman ng pamahalaang lungsod ang mga lugar na madalas bahain at landslide-prone, kasama ang bilang ng mga pamilyang posibleng maapektuhan.

Nakahanda na rin ang mga sasakyang pang-rescue, bangka, mga sistema ng maagang babala, backup na kuryente at suplay ng tubig, kagamitan sa komunikasyon, at mga relief goods.

Bukod dito, 47 na evacuation center sa lungsod ang nakahandang tumanggap sakaling may mga pamilya na maaaring ilikas habang ipinaalala sa publiko na isasagawa ang sapilitang paglilikas kung kinakailangan, alinsunod sa City Ordinance No. 11-2012, na nagbibigay ng pahintulot para sa pre-emptive evacuation sa panahon ng mga emerhensiya.

Kaugnay nito, hinimok naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete ang mga Malabueño na manatiling mapagbantay at updated sa pamamagitan ng opisyal na social media channels ng lungsod.

Para naman sa agarang tulong, gamitin ng mga residente ang All Hazards One Network (AHON) Alert 24/7 Application o makipag-ugnayan sa Malabon Command and Communication Center sa 8921-6009 / 8921-6029 / 0942-372-9891. (Richard Mesa)