• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 1:35 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malabon LGU, nag-host ng culinary, cultural showcase para sa DOT

SA pamamagitan ng City Tourism and Cultural Affairs Office (CTCAO), nag-host ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon, pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval ng culinary at cultural showcase para sa mga delegado mula sa Department of Tourism (DOT) kung saan tampok ang food crawl ng iba’t ibang mga masasarap at paboritong pagkain ng lungsod.

Ang aktibidad ay bahagi ng bagong inilunsad na programa ng DOT, “Salo-Salo: Taste the Flavor, Experience the Culture,” na nagdiriwang sa magkakaibang culinary heritage ng bansa at binibigyang-diin nito ang cultural value ng turismo sa merkado bilang isang dynamic tool para sa pangangalaga at promosyon ng pamana.

Dumalo sa okasyon sina DOT Secretary Christina Garcia-Frasco, Undersecretaries Berna Buensuceso, Christine Joy Cari, Maria Rica Bueno, Myra Abubakar, Assistant Secretaries Ronald Conopio, Czarina Zara Loyola, Judilyn Quiatchon, at Sharlene Zabala-Batin.

“Pinagmamalaki po natin ang mga pagkaing sariling atin na sumasalamin sa pamana at tradisyon ng Malabon. Ang mga ito ang nagbibigay sa atin ng pagkakakilanlan bilang mga Malabueno—kaya’t ating tangkilikin, gaya ng Pancit Malabon,” pagbabahagi ni Mayor Jeannie.

Bilang bahagi ng food crawl na inorganisa ng CTCAO, binisita ng mga delegado ang limang iconic food stops: Hazel’s Puto, Jay’R’s Okoy, Original Dolor’s Kakanin, Nanay’s Pancit Malabon, at Ellet’s Sweet (Halo-Halo).

Nagtatampok ang bawat site ng mga live demonstrasyon ng local delicacies at masayang tinikman ng mga bisita ang mga pagkain, kabilang ang Pancit Malabon, okoy, puto at puto pao, halo-halo, at iba’t ibang kakanin (rice cakes).

Bumisita din sila sa Concepcion Market para makita at subukan ang iba’t ibang produktong pagkain na makikita sa lugar.

Binisita din ng grupo ang Guinness World Record Exhibition and Tourist Center na matatagpuan sa City Hall matapos masungkit ng Malabon nitong Mayo ang bagong Guinness World Record “longest line of noodle bowls,” na may 6,549 bowls ng iconic nitong Pancit Malabon.

Sa araw na ito, hindi lang natin ipinakita ang mga masasarap at paborito nating mga pagkain dito sa Malabon, kundi ay ipinakita rin natin ang ating makulay na kultura na bahagi ng ating pagiging isang Malabueno at bilang isang Pilipino. Makakaasa po kayo na mas palalakasin pa ng pamahalaang lungsod ang kultura at turismo ng Malabon,” ani Mayor Sandoval. (Richard Mesa)