• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 12:16 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malabon LGU, inilunsad ang ‘cleanest barangay’

UPANG isulong ang kalinisan at diwa ng “Bayanihan” sa mga komunidad sa Malabon City, inilunsad ng pamahalaang lungsod ang “Search for the Cleanest Barangay 2025” kung saan ang barangay na mananalo ng unang cash prize ay tatanggap ng isang milyong peso.

“Isang patimpalak para sa dalawampu’t isang barangay kasabay ng ating layunin na mas gawing malinis, luntian, at maaliwalas para sa lahat ang Malabon. Kaya para sa ating mga mahal na Malabueno. Ito na ang panahon upang tayo ay magtulong-tulong tungo sa pagkakaroon ng malinis na kapaligiran. Dahil higit pa sa gantimpalang matatanggap ng mga magwawagi, ay ating maipapamalas ang ating galing, pagkakaisa, at pagkakaroon ng pakialam at pagkalinga sa ating kalikasan na siya ring kinakailangan para sa ating magandang kinabukasan,” pahayag ni Mayor Jeannie Sandoval.

Ayon kay City Environment and Natural Resources Office (CENRO) Officer-in-Charge Mr. Mark Mesina, ang programang ito ay upang hikayatin at bumuo ng kooperasyon sa pagitan ng Lungsod, mga barangay, at komunidad tungo sa pagkamit ng malinis at environment-friendly na kapitbahayan na magpapanatili ng isang malinis at luntiang paligid, na walang anumang uri ng debris at sagabal.

Sinabi ng alkalde na pormal na magsisimula ang Search for the Cleanest Barangays 2025 sa Marso at isang serye ng inspeksyon at assessment ang isasagawa mula Abril hanggang Nobyembre kung saan ang mga mananalo sa paligsahan ay papangalanan sa Disyembre.

Inihayag naman ni Mesina na ang mga barangay ay huhusgahan ng mga piling judges mula sa Malabon City Solid Waste Management Board, Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG) at Mother Earth Foundation, Inc batay sa mga sumusunod na pamantayan:

Malinis at maayos na Barangay (40%), Sustainability Measures (25%),  Pakikilahok sa Komunidad (15%), Innovaton and Creativity (10%) at Dokumentasyon (10%).

Ibinahagi din ni Mayor Jeannie na ang mga mananalong barangay ay tatanggap ng cash prize na P1,000,000 para sa unang gantimpala, P500,000 para sa ikalawang gantimpala, P250,000 para sa ikatlong gantimpala, P150,000 para sa ikaapat na gantimpala, at P50,000 para sa ikalimang gantimpala, kasama ang mga plake at sertipiko.

“Maayos at malinis na kapaligiran ang prayoridad natin dito sa Malabon. Hindi lang ito para sa kalikasan, kundi para na rin sa kalusugan at kagalingan ng bawat isang Malabueno. Kaya kasabay ng ating patuloy na pagsasagawa ng paglilinis sa mga daanan ng tubig at mga kalsada ay ating isinusulong ang bayanihan ng bawat komunidad upang maisagawa at maipagpatuloy ang ating hangarin,” pahayag naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)