• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 2:57 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malabon LGU, inilunsad ang AHON 24/7 alert app

UPANG mapabilis ang koordinasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at mga Malabueno sa panahon ng mga kalamidad, inilunsad ni Mayor Jeannie Sandoval at Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang bagong Malabon All Hazards One Network (AHON) 24/7 Alert Application.
“Sa panahon po ngayon na halos lahat ng mga mamamayan ay may cellphone at may access sa internet, minabuti po natin na mas ilapit sa kanila ang ating dekalidad, tapat na serbisyo para sa lahat. Atin pong inilunsad ang Malabon AHON 24/7 Alert App na siyang magpapabilis ng koordinasyon at pagtutulungan nating mga Malabueno lalo na sa panahon ng sakuna. Kaya po i-download na natin ito at gamitin dahil sigurado pong nakahanda ang pamahalaang lungsod sa pagsiguro ng inyong kaligtasan at kapakanan,” ani Mayor Jeannie.
Ani Mr. Roderick Tongol, Officer-in-Charge ng MDRRMO, ang app ay nagbibigay sa mga residente ng direktang access sa iba’t ibang mahahalagang serbisyo ng pamahalaang lungsod, kabilang ang medical emergencies, safety and security, fire response, traffic enforcement, engineering, waste management at iba pa. Ang app ay magagamit sa pamamagitan ng pag-download sa Google Playstore at malapit na rin ilunsad sa iOS.
Ang app ay mayroon ding feature kung saan ang mga residente ay maaaring makipag-ugnayan sa mga numero ng emergency hotline, tingnan ang mga ordinansa ng lungsod, police watch list, traffic at weather updates.
Kapag na-download na sa kanilang mga device, dapat magparehistro ang mga residente sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang larawan kasama ng isang valid ID, at sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang personal at contact information, kasama ang numero ng kanilang telepono at email kung saan maaprubahan ito sa loob ng 24 na oras.
 Sinabi pa ni Tongol na ang City Command and Control Center kasama ang city department, ay mayroon na ngayong mga dashboard na nagpapahintulot sa kanila na madaling masubaybayan ang mga kahilingan at ulat na ipinadala ng mga residente sa pamamagitan ng app. Nagbibigay-daan ito sa kanila na tumugon kaagad, hindi tulad ng lumang bersyon ng “Let’s Connect,TXT MJS” kung saan kailangan munang gumawa ng ulat ang operator at ipadala ito sa kinauukulang opisina bago gumawa ng aksyon.
Hinihikayat natin ang mga Malabueno na i-download ang Malabon AHON 24/7 application dahil mas pinapabuti at pinapadali nito ang mga serbisyo para sa inyo. Kahit saang parte ka man ng ating lungsod ay madali nating malalaman at matutugunan ang inyong pangangailangan. Ito ay isa sa mga hakbang ng ating Mayor Jeannie sa pagtupad ng pangakong pagpapalakas ng mga programa para sa kaligtasan ng bawat mamamayan at kaayusan sa Malabon,” pahayag naman ni City Adminstrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)