Malabon LGU, IAMS naghandog ng libreng eye care at surgical services sa 1,000 Malabueños
- Published on January 17, 2026
- by @peoplesbalita
NAGLUNSAD ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon, sa pakikipagtulungan ng International Academy of Medical Specialists (IAMS) ng Humanitarian Surgical and Medical Outreach Program mula Enero 15 hanggang 17, na nagbibigay ng libreng konsultasyon sa mata at operasyon, at mga piling serbisyo ng minor surgery para sa Malabueños na nangangailangan.
Tinaguriang “SEE – Malabon City: Operation Klaro” ang inisyatiba na naglalayon na mag-alok ng libreng surgical screening at eye-related surgical procedures sa mga kwalipikadong pasyente, bawasan ang morbidity na nauugnay sa hindi ginagamot na kondisyong medikal at surgical, pahusayin ang mga klinikal na kasanayan ng local healthcare personnel sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa IAMS, at isulong ang edukasyon at kamalayan sa kalusugan ng mga benepisyaryo.
Target ng tatlong araw na programa na ipinatupad ng magkasanib na pagsisikap ng City Health Department, Ospital ng Malabon, Partnerships Office at IAMS, na makapagsilbi sa 500 hanggang 1,000 Malabueños.
Binigyang-diin ni Mayor Jeannie Sandoval ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa paghahatid ng mga de-kalidad na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa mga residente.
Sa pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod at IAMS, mas mailalapit natin ang mga serbisyong medikal na kadalasan ay hindi agad nakukuha ng mga nangangailangan. Sa pamamagitan ng outreach program na ito, hindi lamang natin sinisiguro ang kaligtasan at kalusugan ng ating mga kababayan, kundi binibigyan din natin sila ng ngiti at kapanatagan para sa mas magandang kinabukasan ng kanilang mga pamilya,” ani alkalde.
Kabilang sa mga inaalok ng programa ang mga operasyon sa katarata at pterygium, glaucoma at iba pang mga problema sa mata, gayundin ang pag-aalis ng mga cyst, tumor, at iba pang mga bukol.
Noong Enero 15, pinangunahan ni Mayor Sandoval ang opening ceremony ng outreach program sa Malabon Sports Complex kung saan sumailalim sa medical consultations at surgical screening ang mga prospective na pasyente.
Binigyang-diin naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete ang pangmatagalang epekto ng inisyatiba, na nananatili aniyang pangunahing priyoridad ng pamahalaang lungsod ang accessible na pangangalagang pangkalusugan.
“Ang ganitong mga programa ay patunay ng malinaw na direksyon ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon na ilapit ang serbisyong pangkalusugan sa bawat mamamayan. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng lokal na pamahalaan at mga katuwang na institusyon, mas nagiging inklusibo at epektibo ang ating mga serbisyong medikal,” sabi ni Rosete. (Richard Mesa)