Makakasama nila ang Korean stars sa ’The Guardian’…WILBERT, gaganap na kontrabida sa first action movie kaya pinaghandaan
- Published on August 15, 2026
- by Francis Paolo Torres
KAABANG-ABANG ang pagsasama-sama ng mga Korean stars at Filipino actors sa isang action spectacle ngayong September!
Ang pelikulang “The Guardian” na mula sa direksyon ni Jeong Jang Hwan (kilala sa “Steel Rain” at “Save the Green Planet!”) ay pinagbibidahan ng K-pop idol at vocalist ng grupong Infinite na si Nam Woo-hyun, kasama si Park Eun-hye, isang sikat na Hallyu star mula sa epic drama series na “Jewel in the Palace.”
Makakasama nila ang Filipino actors na sina Wilbert Ross, Eric Ejercito at Yassi Pressman.
Sa naganap na mediacon, sinabi nina Wilbert at Eric na nag-audition talaga sila sa para roles at hindi in-offer.
Pahayag ni Wilbert, “nag-send ako ng video, siya (Eric) nag-send ng short film. Nag-audition din kami ng live.
“Tapos ang role na in-audition ako ‘yung role ni Eric, tapos siya agad ang nakuha.
“Parang last minute ako, kasi hindi puwede yung first na nakuha nila.
“Kaya nabigla ako dahil first action movie ko ito, pinaghandaan ko talaga. Nag-training ako nang nag-training para pagdating ko set para hindi ako magmukhang tanga.
“Wala kasi akong masyadong training or experience sa kahit na anong martial arts. At sa tingin ko naman natawid ko ng maayos dahil sinipagan ko naman.”
Kuwento naman ni Eric, “nag-switch kami ng challenges, kasi usually he does comedy, and I do action. So, challenge accepted.”
First time na gaganap ni Wilbert na kontrabida sa movie.
“Bago sa akin ang role na magiging kalaban ng bida,” say ni Wilbert na nagdiriwang ng kanyang ika-10 taon bilang singer at actor.
“Tatanga-tanga kasi ang mga nabibigay sa akin, kaya sobrang ibang-iba na Wilbert ang mapapapanood dito.”
Samantala, si Nam Woo-hyun ay gumaganap bilang si Do Jun, isang college dropout na mahusay sa Taekwondo.
Mula pagkabata, pangarap niyang maging pambansang atleta sa Taekwondo at manalo ng mga medalya sa iba’t ibang kompetisyon. Ngunit isinakripisyo ni Do Jun ang pangarap na ito para makasama ang kanyang ina sa Pilipinas.
Si Park Eun-hye ay gumaganap bilang si Mi Jin, ang ina ni Do Jun na mag-isang nagpalaki sa kanya. Pinili niyang manirahan sa Pilipinas upang makaiwas sa panghuhusga ng kanyang mga kababayang Koreano dahil sa kanyang pagiging single mother.
Dahil sa pagsisikap, naging matagumpay na businesswoman si Mi Jin at sinubukang tulungan ang isang kaibigang may problema sa pagsusugal. Sa kasamaang-palad, nalulong din siya sa pagsusugal. Nanganganib nang mawala ang kanyang negosyo at tahanan, pero hindi pa roon nagtatapos ang mga pagsubok. Si Mi Jin ay biktima ngayon ng kidnapping ng grupo ni Cha Dong-cheol (ginampanan ni Han Jae Seok).
Sa kabila ng hindi maayos na relasyon nilang mag-ina, gagawin lahat ni Do Jun para iligtas si Mi Jin. Kailangan niyang kumilos ng mabilis dahil mayroon lamang siyang 48 na oras para gawin ito.
Bukod sa Pilipinas kinunan ang ilang mga eksena, binigyan rin ng mahahalagang papel ang mga artistang Pinoy na nagtagumpay sa mga audition.
Si Wilbert ay gumaganap bilang si Jason, isa sa mga komplikadong karakter sa sa pelikula. Isa itong pagpapatunay ng kanyang pagiging versatile artist.
Si Yassi Pressman ay gumaganap bilang si Sandara, isang empleyado sa café na nangangarap maging K-pop star. Magiging malapit na magkaibigan siya ni Do Jun.
Si Ashtine Olviga ay gumaganap bilang isang K-pop auditionee.
Kabilang din sa pelikulang ito sina Billy Villeta, Jacq Yu, Fatima, Yumi, Heart Ryan, Joko Diaz, Katya Santos, at Jeric Raval.
Maituturing na isang karangalan at tagumpay para sa mga artistang Filipino ang kolaborasyong ito sa mga Koreano sa action thriller na “The Guardian” na ipalabas na sa South Korea.
Huwag palampasin, mapapanood na sa mga sinehan simula sa Setyembre 2, 2026.
Magkakaroon din ito ng worldwide release.