• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

MAKABAYANG GRUPO KINONDENA ANG BANTA AT AGRESYON NG CHINA SA WEST PHILIPPINE SEA

NAGDAOS ng kilos-protesta ang FILIPINOS DO NOT YIELD MOVEMENT (FDNY), kasama ang mga lider at kasapi ng iba’t ibang makabayang samahan at non-government organizations (NGOs), sa harap ng Embahada ng China sa Lungsod ng Makati nitong Enero 28, 2026, upang kondenahin ang mga banta at agresibong pahayag ng China laban sa mga opisyal ng pamahalaang Pilipino at ang patuloy na pambubully nito sa West Philippine Sea.

Tinuligsa ng grupo ang paggamit ng water cannon, panghaharas at iba pang agresibong aksyon laban sa mga sundalo at mangingisdang Pilipino, na ayon sa kanila ay malinaw na paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Ruling, partikular sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

“Ang pambubully ng China sa West Philippine Sea ay hindi lamang paglabag sa international na batas, kundi tahasang pananakot sa sambayanang Pilipino, kung hahayaan ito, magiging normal na lamang ang paninindak mula sa ating mga sundalo at mangingisda hanggang sa karaniwang mamamayan”, pahayag ni Giselle L. Albano, convenor at tagapagsalita ng FDNY.

Binigyang-diin ni Albano na tungkulin ng mga opisyal ng pamahalaan na ipagtanggol ang katotohanan, soberanya, at pambansang interes ng bansa laban sa agresibong aksyon ng China.

“Sinusuportahan namin ang mga opisyal ng pamahalaan na matapang na nagsasalita at naninindigan para sa West Philippine Sea. Ang pagtatanggol sa soberanya ay hindi pagpipilian, ito ay obligasyon”, ani Albano.

Kinondena rin ng FDNY ang ilang politiko, kolumnista at indibidwal na patuloy umanong ipinagtatanggol ang China sa kabila ng lantad na pambubully at panghaharas sa mga Pilipino sa sariling karagatan ng bansa at pambabastos sa mga opisyal ng pamahalaan.

Nanawagan ang grupo sa sambayanang Pilipino na huwag magpalinlang sa maling impormasyon at manatiling nagkakaisa sa pagtatanggol sa karapatan at soberanya ng bansa.

Nagpahayag din ng pagkilala ang FDNY kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa mga opisyal ng pamahalaan sa kanilang matatag at prinsipyadong tindig laban sa agresyon ng China sa West Philippine Sea.

Tinapos ang pagkilos sa mga panawagang “9-Dash Line, Walang Legal na Basehan”, ” China: Back Off sa West Philippine Sea”, at Filipinos Do Not Yield”. Hindi tayo mananahimik, atin ang West Philippine Sea. China ang bully, hindi ang Pilipinas”, giit ni Albano. (PAUL JOHN REYES)