Maikling pagtatagpo nina Unang Ginang Liza at Chinese envoy, hindi sumasalamin sa polisiya ng Pinas- Malakanyang
- Published on February 3, 2026
- by @peoplesbalita
SINABI ng Malakanyang na hindi sumasalamin sa policy direction ng Pilipinas ang maikling pagtatagpo nina Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian sa isang event.
Nitong weekend, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang Chinese Embassy sa Maynila ay nagbahagi ng larawan na magkasama ang Unang Ginang at Chinese envoy, sa gitna ng pagpapalitan ng maaanghang na salita sa pagitan ng Philippine at Chinese officials ukol sa isyu ng karapatan at soberanya ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Castro na na brief interaction ay dapat na hindi iniuugnay sa diplomatic matters.
“Unang-una po, kung dumalo man ang ating Unang Ginang sa mga public consular events, hindi po ito nagre-reflect ng policy direction at hindi po ito nali-link sa anumang diplomatic matters,” ang sinabi ni Castro.
Idinagdag pa ni Castro na batid naman ng mga mambabatas na ang Pangulo lamang ang may awtoridad na magdeklara ng isang foreign official na persona non grata.
“Alam naman po ng mga mambabatas na ang Pangulo po ang may authority kung magde-declare man ng isang tao bilang persona non grata. Kaya wala pong masasabi na political impasse,” ani Castro.
At nang tanungin kung ang “pleasant conversation” sa pagitan nina Unang Ginang Liza at Chinese envoy ay maaaring makatulong na de-escalate ang nagpapatuloy na ‘war of words’ sa pagitan ng mga mambabatas at Chinese Embassy, sinabi ni Castro na batid ng administrasyon na prayoridad ang diplomasiya sa paglutas sa sigalot.
“Alam naman po ng bansang China na ang ating Pangulo at ang administrasyong ito ay tanging diplomasya ang nais para maayos kung anuman ang isyu,” ang winika ni Castro.
“So malamang po, hindi na kinakailangan na magkaroon ng init o initan sa pagitan ng dalawang bansa,” aniya pa rin.
Nauna rito, mariing tinutulan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panawagan na idekladang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan sa Pilipinas.
Sa gitna ito ng isyu sa agawan pa rin ng teritoryo sa West Philippine Sea at ang palitan ng mga pahayag sa pagitan ng ilang opisyal ng Pilipinas at ng Embahada ng China.
Sinabi ni Castro, isang maiksing “no” ang sagot ng Pangulo tungkol sa panawagang ito.
Nauna nang sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na diplomasya ang paiiralin sa usaping panglabas ng bansa.
Matatandaang nanawagan si Senate President Vicente Sotto III sa Senado na pag-aralan ang posiblidad na ideklara si Chinese Embassy Deputy Spokesperson Guo Wei na persona non grata sa Pilipinas dahil sa mga pahayag nito nang pag-atake sa mga mambabatas. (Daris Jose)