Magpabakuna laban sa tigdas: Malakanyang, pinayuhan ang mga magulang, guardians na dalhin ang mga anak sa mga health centers
- Published on March 27, 2025
- by @peoplesbalita
PINAYUHAN ng Malakanyang ang taumbayan lalo na ang mga magulang na magpunta sa kani-kanilang health centers dahil sa kampanya ng gobyernong “Bakunahan sa Purok ni Juan”, handog ng pamahalaan na mabigyan ng bakuna ang kanilang mga anak laban sa tigdas.
Sumipa na kasi ang bilang ng kaso ng measles-rubella o tigdas sa bansa mula noong Enero 1 hanggang Marso 1.
Sa katunayan, ayon sa Department of Health ay nakapagtala ito ng 922 kaso ng nasabing sakit, na mas mataas ng 35% kumpara sa 683 na kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, magkakaroon ng measles catch up immunization campaign sa ilang piling Local Government Units (LGUs) sa Kalakhang Maynila at ito’y nakatakdang gawin mula March 17 hanggang 28.
“So, kung ang kababayan po natin ay may mga panahon, punta lamang po sila sa mga health centers at maia-avail po nila itong pagbabakuna especially po sa sinasabi nating tigdas,” ayon kay Castro.
“Katulad po nito, baka po iyong ibang mga magulang or guardians ay hindi pa po alam na mayroon po tayong “Bakunahan sa Purok ni Juan.” Ito po ha, sabihin ko po iyong mga lugar, punta lamang po sila sa health centers: Caloocan, Quezon City, Taguig, sa Manila, Mandaluyong at Las Piñas. At sa iba pang mga LGUs po ay gagawin po ito sa second quarter of 2025 so punta lamang po kayo sa health centers ngayon para sa pagpapabakuna ng inyong mga anak,” aniya pa rin.
Samantala sa ulat, pinakamaraming kaso ng tigdas ang naitala sa National Capital Region, Cordillera Administrative Region, Ilocos, Bicol, Western Visayas, at Soccsksargen region.
Batay sa datos ng DOH, 68% o 625 mula sa kabuuang bilang ng kaso ng measles-rubella ay mula sa mga batang hindi nabakunahan ng kontra-measles.
Ang measles o tigdas ay isang nakakahawang sakit na posibleng maipasa mula sa pag-ubo at pagbahing.
(Daris Jose)