Maglalaban sila sa pagka-senador sa 2025 Elections: Sen. JINGGOY, pinayuhan si PHILLIP na magsipag sa pag-iikot sa bansa
- Published on January 8, 2025
- by Peoples Balita
ISA sa masasabing maimpluwensiya at pinakamayaman na pulitiko at negosyante si former Gov. Chavit Singson.Bukod sa naging gobernador, kunsehal, meyor at kung anu-ano pang posisyon sa probinsiya ng Ilocos.
Pero ngayon naman ay nangarap na maging senador ng Pilipinas.
Bukod sa sinasabing gusto naman niyang mapaglingkuran ang ang mga kababayan natin ano pa ang dahilan ng isang Chavit Singson sa pagtakbo niyang senador?
“Well, napatahimik ko na ang buong lalawigan namin at napayaman ko na ang probinsiya. When in fact ikalimang pinakamayaman na ang probinsiya namin sa buong Pilipinas.
“Sa totoo lang, hindi ko na maantay-antay yung economic zone na inihain ng mga anak ko, laging binabara sa senado.
“Kung maaprubahan lang sana yun, yayaman na rin ang buong bansa,” bungad pa ni Manong Chavit.
Malaki ang panghinayang ni Gov. Chavit sa kung ilang beses nabaril at hindi pumasa sa senado ang panukalang batas na gusto niyang ipatupad at siya pa raw mismo ang mamahala nito.
“Binabara sa senado, kaya ang ginawa ko nga, nagtayo ako sa Korea. Doon ako namuhunan ng bilyones. Sayang nga at dito dapat sa Pilipinas yun.
“Nagkaroon ako ng factory sa Korea para sa electric vehicles, side cars, submarine at iba pa.
“Pero ngayon itinayo ko ba rin ang economic zone sa probinsiya namin,” sey ng pulitiko.
Binanggit na rin daw ni Gov. Chavit nang makausap niya si Pangulong Bongbong Marcos hinggil sa proposal niyang ito.
“Sabi ko kay Presidente, sana mapagbigyan na ako sa gusto kong ito, at deretsong sinabi ko sa kanya na ako na rin ang magpapautang sa mga kababayan natin matutuloy lang at maaprubahan lang niya ito,” seryosong sabi pa niya.
“Sa lahat ng gustong umutang, willing akong magpahiram sa kanila para sa lahat ng electric vehicles at lahat nito wala silang intindihin na down payment at zero interest pa po ito.
“Saan kayo nakarinig na magpapautang na malaki-laking halaga na walang down payment at wala pang tubo, ako lang ang loko-loko na gagawin ito para s mga kababayan natin,” napangiti pero seryosong lahad pa ng soon to be senator.
***
TUNGKOL pa rin sa pulitika, dalawa pa ring may konek sa showbiz ang tatakbong senador sa May 2025 elections.
Ito ay ang magkaibigang Sen. Jinggoy Estrada at Phillip Salvador.
Kaya nang matanong ang re-electionist kung ano ang masasabi niya sa pagtakbo ng kasamahang action star na si Phillip bilang senador ay napangiti agad si Sen. Jinggoy.
Halata agad sa reaksiyon niya at very obvious sa sagot niyang hindi niya susuportahan ang kaibigan.
“Ako susuportahan ko ang aking mga kasamahan ngayon, ‘yung mga incumbent na mga kasamahan. ‘Yung pitong re-electionist, mga incumbent senators.” malaman pang kasagutan niya.
Siyempre kasi pagdating sa pulitika, ang partidong kinaaniban ang masusunod.
Magkaiba naman kasi ng partido sina Sen. Jinggoy at Philip. Ang una sa partido ni PBBM at ang huli ay nasa tiket ni dating pangulong Duterte.
Kumbaga, alam naman nilang pareho na magkakalaban ang partido nila.
But still bilang kasamahang aktor ay may advice si Sen. Jinggoy kay Phillip. Need daw ni Kuya Ipe sipagan pa talaga ang pag-iikot at pangangampanya.
Huwag magpapakampante na porke taga-showbiz.
“I think he is aligned with former president (Duterte).
“Alam mo ‘pag walang experience sa national campaign, you have to strive more. Lalo na siya baguhan, e baka mahirapan. So, konting sipag,” lahad pa ni Sen. Jinggoy.
Samantala isa sa pinakiusap at tinutulungan ngayon ni Sen. Jinggoy ang partylist nilang BFF o Balikatan of Filipino Families na kung saan ang asawa niyang si Precy Ejercito ang first nominee, at kasama ring nominee ang anak nilang si Jolo Estrada.
(JIMI C. ESCALA)