Maging ang NEP 2026, may kuwestiyonableng alokasyon- PBBM
- Published on September 4, 2025
- by @peoplesbalita
MAGING ang National Expenditure Program para sa taong 2026 ay naglalaman ng kuwestiyonableng alokasyon na kailangang matugunan ng maayos.
Nabanggit ito ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., habang ipinaliliwanag ang magiging trabaho ng komisyon na plano niyang itayo at imbestigahan ang maanomalyang flood control projects nang banggitin niya na may natuklasan ang executive branch na iregularidad.
”The more we look, the more we find. Kahit sa 2026 budget, marami pa ring siningit. So… it really needs to be cleaned out properly,” aniya pa rin
Sa ulat, kinuwestiyon ni House Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno ang isinumiteng 2026 National Expenditure Program ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso matapos mabunyag na muling napondohan dito ang mga tapos ng proyekto.
Ibinunyag ni Puno na muling napondohan ang mga infrastructure project ng DPWH na gawa na.
“Yung pinaka-nakakatawang example ‘yung sa Marikina kay Congressman Marcy Teodoro. Dumating ‘yung kanyang proposed NEP for 2026. Nung nakita niya, magkatabi kami dun sa hearing, eh sabi niya Sec. sosoli ko na ito sa DBM? Bakit? Eh sabi niya lahat ng projects na nakalista dito tapos na eh,” ani Puno.
Ayon kay Puno, sinabi sa kanya ni Teodoro na hindi nakasama sa 2026 NEP ang proyekto na pinuntahan ni Pangulong Marcos.
Ayon kay Puno, chairman ng National Unity Party (NUP), hindi lamang sa Marikina mayroong problema ang mga proyekto ng DPWH na nakasaad sa NEP.
Ipinaliwanag niya na ang mga flood control projects na kailangan sa kanyang distrito at nasimulan na sa mga nakaraang taon subalit hindi pa natatapos ay nawala sa NEP.
Sa kabilang dako, nang hingan naman ng komento si Budget Secretary Amenah Pangandaman sa mga ipinahayag nina Pangulong Marcos at Puno, sinabi ng una na titingnan niya ang sinasabing alokasyon sa NEP para sa mga proyektong tapos na.
Sa katunayan, kinausap na niya si Public Works and Highways Secretary Vince Dizon hinggil sa bagay na ito.
”Nag-usap na po kami kahapon ni Vince Dizon na iisa-isahin namin ‘yan, papatingnan namin lahat ‘yan, kung saan nanggagaling ‘yang mga proyekto na substandard, ghost, nadodoble gawa na tapos nakalagay pa siya,” ayon kay Pangandaman.
”We will do our best to check and then moving forward, we will ensure na hindi na ulit ito mangyari,” aniya pa rin.
At nang hingan naman ng paglilinaw ang Malakanyang sa usaping ito, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na dapat na makipag-ugnayan at i-tsek ang bagay na ito sa DPWH.
”Unang-una, huwag muna po tayong maging judgmental agad ‘di ba dahil kailangan po nila muna makipag-cooperate/makipag-coordinate sa DPWH at kung anuman iyong ahensiya na sinasabi nilang nagawa na iyong proyekto pero nandoon pa rin po iyong budget,” ayon kay Castro.
”So, halimbawa na lamang po, example po natin ang Marikina River – kung may proyekto po diyan dapat eksakto po iyong coordinates, kung ano talaga iyong lokasyon dahil baka sa haba niyan eh ibang parte ay tapos na pero iyong ibang coordinates naman o ibang lokasyon ay hindi pa,” dagdag na wika nito.
Biniyang diin ni Castro na hindi kailanman kukunsintihin ni Pangulong Marcos ang sinasabing ‘insertions.’
”So, mas maganda pong makipag-coordinate at makipag-cooperate muna sila sa DPWH para malaman din po natin kung ang kanilang sinasabi na proyekto ay talagang natapos na. At kung talaga naman pong natapos na at ito ay isiningit sa 2026 budget, hindi po ito papayagan ng Pangulo,” ang dagdag na pahayag ni Castro. ( Daris Jose)