MAG LIVE-IN PARTNERS, 2 IBA PA NASAKOTE SA BUY-BUST OPERATION NG PDEA
- Published on July 28, 2025
- by @peoplesbalita
NASAKOTE ang mag-live-in partners na nagpapatakbo ng drug den at dalawa pang indibidwal ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng PDEA Cebu Provincial Office, katuwang ang Cebu City Police Office Station 5, sa Sitio Everlasting, Barangay Pahina San Nicolas, Cebu City.
Kinilala ni PDEA 7 Regional Director Joel B. Plaza ang mga pangunahing target sa operasyon at itinuturing na mga drug den maintainers na sina alyas Marjun, 55 taong gulang, walang trabaho at ang kanyang live-in partner na si alyas Mabel, 25, isang fish vendor, kapwa residente ng nabanggit na lugar.
Nahuli rin ang dalawa pang bisita ng drug den na sina alyas Marlon, 46, market porter mula sa Barangay Inayawan, Cebu City, at alyas Archer, 47, sewage cleaner mula sa Barangay San Nicolas, Cebu City.
Nakumpiska sa operasyon ang anim na pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 10.12 gramo, buy-bust money na halagang ₱300 na hinihinalang kita mula sa pagbebenta ng ilegal na droga at iba’t ibang drug paraphernalia.
Isinailalim na sa chemical analysis at tamang disposisyon sa laboratoryo ng PDEA Regional Office ang mga nakumpiskang ebidensya.
Ang pagpapatakbo ng isang drug den ay may katumbas na pinakamabigat na parusa na habambuhay na pagkakakulong at multa mula ₱500,000 hanggang ₱10 milyon, habang ang pagpasok sa drug den ay may kaparusahang pagkakakulong mula 12 taon at 1 araw hanggang 20 taon at multa mula ₱100,000 hanggang ₱500,000. (PAUL JOHN REYES)