Mag-asawa, tinodas ng kapitbahay sa Caloocan
- Published on April 7, 2026
- by @peoplesbalita
HUMANDUSAY ang duguang katawan ng isang mag-asawa matapos pagbabarilin ng kanilang kapitbahay sa Caloocan City, Linggo ng hapon.
Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang 45-anyos na mister at 50-anyos niyang misis.
Mahaharap naman sa dalawang bilang na kasong murder at paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang 64-anyos na suspek.
Sa ulat, nag-ugat umano ang pamamaril ng suspek makaraan ang mainitang pakikipagtalo sa mga biktima hinggil sa bahagi ng lupa na nasakop sa katabing bakod na sobra sa nakasaad sa titulo o tinatawag na excess lot dakong alas-2:45 ng hapon sa Brgy. 167 Llano Road, North Caloocan.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek habang agad namang iniutos ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang pag-activate sa Deployment and Location Cross Innovation (DLX) na naging daan upang matukoy ng pulisya ang mga dinaanang lugar ng salarin sa kanyang pagtakas.
Sa isinagawang malawakang pagtugis at dragnet operation, nasukol ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang tumatakas na suspek habang sakay ng itim na Yamaha N-Max motorcycle sa bisinidad ng Barangay 167.
Nakumpiska sa suspek nina PCpl Gary Samar at Pat Nelpie Amantillo, kapwa ng SS7 ang isang kalibre .45 pistola at dalawang magazine na kargado ng mga bala.
(Richard Mesa)