• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 6:10 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mag-asawa na gumagawa ng mga pekeng government ID, timbog sa Valenzuela

TIMBOG ang mag-asawa na gumagawa umano ng mga pekeng ID ng senior citizen, person with disability (PWD) at iba pang government at company ID matapos salakayin ng pulisya ang kanilang bahay sa Valenzuela City.
Iniharap ng pulisya, Miyerkules ng umaga kay Valenzuela City Mayor WES Gatchalian ang mag-asawang sina alyas “Marlon”, 44, at alyas “Liza”, 40, residente ng Brgy. Gen. T. De Leon.
Ayon kay Valenzuela Acting Police Chief P/Col. Joseph Talento, inatasan sila ni Mayor Wes na lutasin ang ipinarating na reklamo ng City Health Office hinggil sa malawakang paggamit ng mga pekeng ID ng senior citizen at PWD upang makakuha ng diskuwento at iba pang benepisyo sa iba’t ibang establisimiyento na inaalok umano ng mag-asawa sa social media.
Sa tulong ng Northern Police District-Anti-Cybercrime Team (NDACT), nagkaroon ng pagkakataon ang pulis na nagpanggap na buyer na magpagawa ng pekeng ID sa mag-asawa na dahilan para matunton nila ang bahay ng mga ito.
Nang maglabas ng search warrant ang Presiding Judge ng Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Branch 282, ikinasa ng pinagsamang puwersa ng Station Intelligence Section (SIS) ng Valenzuela Police at NDACT ang pagsalakay sa bahay ng mag-asawa na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.
Bukod sa mga pekeng senior citizen at PWD ID, nakuha rin ng kapulisan sa bahay ng mag-asawa ang mga pekeng ID na ini-issue ng lahat ng ahensiya ng pambansang pamahalaan, pribadong kompanya, law enforcement agency, at maging TODA at driver’s license.
Kinumpiska rin ng pulisya sa dalawa ang mga gamit nila sa paggawa ng pekeng ID, pati na ang laminating film, printer, heavy duty laminator, internet router , limang mobile phones, at SSD storage.
Pinakakasuhan na ni Mayor Gatchalian ang mag-asawa ng paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code in relation to Section 6 ng R.A. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)