• March 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mabait kasi: PBBM, mas piniling huwag patulan ang mga detractors- Malakanyang

MAS pinili ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na huwag patulan ang kanyang mga detractors at ipagpatuloy lamang ang kanyang pagsisikap na mailagay sa maayos ang bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na sa kabila ng mga paninira at pagsisikap na mapaalis sa poder ng kapangyarihan si Pangulong Marcps nananatili pa rin itong mabait at piniling huwag pumatol sa mga detractors.
“Mabait po ang Pangulo. Sabi nga po natin, hindi po sanay ang Pangulo sa mga salitang mapanakit, mga mura, mapagbanta sa buhay – hindi po sanay ang Pangulo diyan,” ayon kay Castro.
Samantala, muli namang binanggit ni Castro ang mga kuwalipikasyon na nasabi ni Pangulong Marcos para sa isang taong nais na maging lider ng bansa.
“Pero makikita po natin sa huli niyang forum kung saan sinabi nga po niya na ang kailangan ng bansa para maiangat natin ay taong may kaalaman, taong magaling sa ekonomiya, magaling sa mga isyu ng inflation, paggawa ng trabaho at hindi para lang manira,” aniya pa rin.
“So, kailangan po natin ang sabay-sabay na pagtutulungan para maiangat natin ang bansa dahil kung ang Pangulo lamang po ang siyang magtatrabaho at ang iba po na nasa paligid ay walang ginawa kung hindi manira, makakaapekto po talaga ‘to kaya pagtulung-tulungan po natin na suportahan ang ating Pangulo pati po ang gobyerno,” dagdag na wika nito.
At nang hingan naman ng reaksyon si Castro ukol sa sinabi ni Pangulong Marcos na ang dapat na umupo bilang presidente na susunod sa kaniya ay isang marunong sa ekonomiya kasunod naman ng deklarasyon ni VP Sara Duterte na tatakbo siya sa susunod na elekson at kung taglay ni VP Sara ang mga kuwalipikasyon na binanggit kamakailan ni Pangulong Marcos, ang natatawang tugon ni Castro ay “Kayo na po ang magtanong mismo kay Bise Presidente. Hindi po natin masasabi kung hanggang saan ang kaniyang kaalaman. Kayo na po. Hindi ko alam kung hanggang saan.” (DARIS JOSE)