• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO, UMAKSYON MATAPOS ANG ENTRAPMENT OPERATIONS NG ARTA AT PNP-CIDG KONTRA FIXERS

BILANG bahagi ng pagpapatupad ng 7-Point Reform Agenda ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, partikular ang pinaigting na kampanya laban sa mga fixer at katiwalian, agad na kumilos ang ahensya, matapos ang pagkakaaresto sa tatlong hinihinalang fixer sa isinagawang operasyon ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) at Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Isinagawa ang entrapment operation noong Hunyo 29, 2026 sa LTO West Manila District Office at LTO East Avenue Central Office, kung saan nahuli ang mga hinihinalang fixer na sangkot umano sa ilegal na pagproseso ng student driver’s permit at pagkuha ng lisensya.

Kasunod ng naturang operasyon, isinailalim ng LTO sa imbestigasyon ang dalawang hepe ng National Capital Region (NCR) upang matukoy kung may naging kapabayaan sa pangangasiwa ng kanilang mga tanggapan, o kung may iba pang pangyayaring dapat suriin kaugnay ng operasyon ng mga fixer.

Kasabay ng isinasagawang imbestigasyon, ipinatupad ng LTO, sa direktiba ni Assistant Secretary Lacanilao, ang region-wide reassignment o “reshuffle” sa hanay ng mga hepe sa NCR bilang bahagi ng patuloy na pagsasaayos ng ahensya at pagtitiyak na mananagot ang sinumang sangkot sa ilegal na gawain.

“Hindi sapat na mahuli lamang ang mga fixer. Mahalaga rin na matukoy kung paano sila nakapag-o-operate at kung may mga nagpabaya o nagbibigay-proteksyon sa kanila. Iyan ang layunin ng isinasagawang imbestigasyon at ng mga hakbang na ipinatutupad natin sa loob ng ahensya,” pahayag ni Assistant Secretary Lacanilao.

Dagdag pa niya, may pananagutan ang bawat hepe na tiyaking malinis sa fixer at iba pang ilegal na gawain ang mga tanggapang kanilang pinamumunuan. Isinasagawa ang masusing imbestigasyon upang matukoy kung may mga nagpabaya sa kanilang tungkulin o nakipagsabwatan sa mga fixer.

Alinsunod sa Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, patuloy na paiigtingin ng LTO ang mga hakbang laban sa fixing, kabilang ang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa ARTA at iba pang law enforcement agencies upang mapanatili ang integridad at pagiging tapat ng mga transaksyon sa ahensya.

 (PAUL JOHN REYES)