LTO, SUPORTADO ANG DIREKTIBA NG DOTr NA GUMAMIT NG PAMPUBLIKONG TRANSPORTASYON ANG MGA OPISYAL NG KAGAWARAN
- Published on September 17, 2025
- by @peoplesbalita

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang Memorandum ay nagsisilbing mabisang paraan ng feedback dahil mararanasan mismo ng mga opisyal ng DOTr ang araw-araw na dinaranas ng mga ordinaryong mamamayan.
“Buong puso naming tinatanggap sa LTO ang kautusang ito mula sa ating Kalihim at itinuturing namin itong isang back to basic policy na maglalapit sa mga opisyal ng DOTr sa tunay na kalagayan ng pampublikong transportasyon,” ani Asec. Mendoza.
Batay sa kautusan, lahat ng mataas na opisyal ng DOTr at mga attached agencies nito ay inatasang sumakay sa mga pampublikong sasakyan gaya ng bus, jeep, at iba pang mass transportation kahit isang beses sa isang linggo.
Sa LTO, saklaw ng kautusan mula sa LTO Chief hanggang sa mga Assistant Regional Directors.
Dagdag ni Asec. Mendoza, naipasa na ang kautusan sa mga kinauukulang opisyal, ngunit maglalabas pa ang LTO ng karagdagang kautusan upang isama rin ang mga pinuno ng District Offices at Satellite Offices.
“Magandang karanasan ito para sa lahat, at sa pamamagitan nito ay umaasa kaming makabubuo ng mga pinakamainam na hakbang para sa pagpapabuti ng pampublikong transportasyon sa bansa,” pahayag ni Asec. Mendoza.
“At ang pinakamahalaga, tayong nasa DOTr mismo ang makakaranas nito para tunay nating maramdaman ang ipinapatupad natin at maisabuhay ang ating ipinangangaral,” dagdag pa niya. (PAUL JOHN REYES)