• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO, SINUSPINDE ANG 11 TAXI AT TNVS DRIVERS SA NAIA DAHIL SA OVERCHARGING

SINUSPINDE ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang lisensya ng 11 taxi at Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers matapos makatanggap ng mga reklamo ng sobrang paniningil sa mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang 90-araw na preventive suspension ng lisensya ng mga nasabing driver ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tugisin ang mga abusadong driver ng pampublikong transportasyon na nananamantala sa mga pasahero.
“We already suspended a lot of erring taxi and TNVS drivers in the past weeks. Akala yata ng mga ito ay ningas cogon lang ang ginagawa natin, nagkakamali sila at itong 11 na drivers na ito ay patunay na tuloy tuloy ito,” saad ni Asec Mendoza.
“Ito ang mahigpit na bilin sa ating ni Secretary Dizon na huwag tantanan ang mga abusadong drivers ng taxi at TNVS na ito dahil nadadamay ang mga marami pa ring mga taxi at TNVS drivers na mga matitino,” dagdag pa nito.
Ang pagsuspinde sa lisensya ng mga driver ay bunga ng isinagawang operasyon ng pinagsamang puwersa ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police (PNP), sa pamamagitan ng Aviation Security Group, laban sa mga taxi at TNVS drivers na sangkot sa paniningil ng labis, panunuba, at pagtanggi sa mga pasahero.
Batay sa paunang imbestigasyon ng LTO-Intelligence and Investigation Division sa pamumuno ng hepe nitong si Renante Melitante, napag-alamang naniningil ang 11 taxi at TNVS drivers ng halagang mula ₱200 hanggang ₱700 para lamang sa maikling biyahe mula NAIA Terminal 1 patungong Terminal 3.
Sa direktiba ni Secretary Dizon, inatasan ni Asec Mendoza ang regular na pag-deploy ng mga tauhan ng LTO sa mga terminal ng NAIA upang agad na maaksyunan ang mga reklamo ng pananamantala sa pamasahe.
Sa Show Cause Order (SCO) na inilabas laban sa 11 taxi at TNVS drivers, inatasan silang magpaliwanag kung bakit hindi dapat tuluyang bawiin ang kanilang driver’s license dahil sa pagiging ‘improper person to operate a motor vehicle’.
“We also ordered them to immediately surrender their driver’s license. Dahil sa kanilang pananamantala, matagal-tagal o baka hindi na sila makapag-trabaho bilang taxi at TNVS drivers,” saad ni Asec Mendoza.
Ang aksyon ng LTO ay hiwalay sa legal na proseso na isasagawa ng LTFRB kaugnay ng prangkisa ng 11 taxi at TNVS units. (PAUL JOHN REYES)