LTO sa Metro Manila, Laguna, Bataan balik operasyon na
- Published on August 24, 2021
- by @peoplesbalita
Nagbabalik-operasyon na simula Lunes, Agosto 23, ang mga tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa National Capital Region (NCR), Laguna at Bataan.
Ito, ayon sa LTO, ay kasunod na rin ng pagbababa na ng quarantine classification ng mga nasabing lugar sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) mula sa dating ECQ.
Sinabi ng LTO na ang kanilang mga nabanggit na opisina ay mag-o-operate ng may 50% capacity upang maka-accommodate ng 50% na usual na bilang ng mga kliyente nito.
Pinaalalahanan naman ng LTO ang mga magtutungo sa opisina na sundin ang COVID-19 safety protocols upang maiwasan ang mabilis na pagkalat ng sakit at upang hindi maantala ang kanilang transaksyon.
Matatandaang nagtigil muna ng operasyon ang LTO sa mga naturang lugar matapos na maisailalim ang mga ito sa ECQ upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, partikular na ang Delta variant nito. (Daris Jose)