LTO REGION IV-A, NAKAHULI NG MGA SASAKYAN NA GINAGAMIT PANG-KARERA SA BATANGAS
- Published on December 9, 2025
- by @peoplesbalita
NAGSAGAWA ng operasyon ang Region IV-A Law Enforcement Service (RLES) kahapon ng umaga ng ika-7 ng Disyembre 2025, kung saan nahuli ang ilang sasakyan na ginagamit na pang-karera habang ito ay dumadaan sa iba’t ibang lugar sa Batangas.
Ang panghuhuli ay isinagawa alinsunod sa Republic Act 4136 (Land Transportation and Traffic Code) at ang “NO REGISTRATION, NO TRAVEL” Policy. Ang mga lugar ng paghuli ay kabilang ang Lungsod ng Lipa, Padre Garcia, at Rosario sa Batangas.
Sa kabuuan, may anim (6) na sasakyan ang nahuli na pawang mga Honda Civic – lima ay EG Hatchback at isa ay SiR. Ang mga nasabing sasakyan ay may iba’t ibang uri ng paglabag, kabilang ang kaso ng obstruction, walang rehistro, defective o iligal na accessories at improvised plate.
Dalawang Honda Civic EG Hatchback ang may mga paglabag sa defective headlight at pinutol na muffler. Ang parehong sasakyan ay inimpound sa LTO Lipa District Office para sa pagsusuri ng makina at chassis. Samantala, ang isa pang Honda Civic EG Hatchback ay may defective na headlight, improvised plate, pinutol na muffler, at rear bumper na may “speed holes”. Isa pang Honda Civic EG Hatchback naman ang may defective na headlight, pinutol na muffler, at walang rear bumper.
Ang Honda Civic SiR ay may parehong kaso sa defective na headlight at pinutol na muffler, habang ang ikaanim na nahuling sasakyan – isang Honda Civic EG Hatchback na walang drayber na nakita – ay walang rear bumper at side mirror, may paglabag sa obstruction at kailangang iberipika ang rehistro. Lahat ng impounded na nasabing sasakyan ay nasa LTO Lipa District Office para sa karagdagang pagsusuri at beripikasyon.
Sa kanyang pahayag kasunod ng operasyon, iginiit ni Asec Lacanilao: “Ang ilegal na modipikasyon na ginagawa sa kanilang mga sasakyan lalo na kung ito ay gagamitin na iligal na pang-karera, ay hindi lamang paglabag sa batas kundi isang malaking panganib sa buhay ng lahat ng nasa kalsada. Hindi tayo titigil sa pagpapatupad ng mahigpit na batas – lahat ng sasakyang ginagamit sa ganitong ilegal na gawain, mga paglabag sa batas trapiko, anuman ang uri o klase, ay huhulihin nang walang kinikilingan. Ang kaligtasan sa kalsada ay pangunahing prayoridad ng LTO, at handa tayong gumawa ng mga hakbang para pigilan ang mga insidente na maaaring iwasan.”
Ipinahayag din ng LTO Region IV-A sa pamumuno ni Regional Director Elmer J. Decena na patuloy itong susunod sa direktiba ni Asec Lacanilao at magpapatupad ng mas maraming operasyon para sugpuin ang ganitong ilegal na gawain at iba pang paglabag sa batas trapiko. Hinihikayat ang lahat ng may-ari at drayber na tiyakin na ang kanilang sasakyan ay rehistrado, may wastong accessories, at sumusunod sa lahat ng alituntunin ng trapiko para sa kaligtasan ng lahat. (PAUL JOHN REYES)