• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 2:55 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO pinaalalahanan ang mga motorista na agarang ikabit ang kanilang plaka, nagbabala ng 5,000 multa sa lalabag

PINAALALAHANAN ng Land Transportation Office (LTO) ang mga motorista na ikabit ang kanilang plaka sa kanilang mga sasakyan matapos makatanggap ng mga ulat na may ilang may-ari ng sasakyan na sadyang hindi ito inilalagay kahit na na-release na.

 

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pagmamay-ari ng sasakyan ay may kaakibat na responsibilidad, kabilang ang agarang pagkakabit ng plaka kapag ito ay na-release na.

 

“Sa pakikipag-ugnayan natin sa PNP, sa pamamagitan ng kanilang Highway Patrol Group (HPG), at maging sa sarili nating operasyon, natuklasan natin na may mga sasakyan na sadyang hindi kinakabitan ng plaka kahit na naibigay na ito,” ani Asec Mendoza.

 

“Hindi po souvenir items and mga plaka, dapat ikabit po ito sa ating mga motorsiklo at mga sasakyan as soon as na-release na ito ng mga car dealers at the LTO. Meron pong penalty kapag hindi po ito nasunod ayon sa batas,” dagdag niya.

 

Ipinunto ni Asec Mendoza na alinsunod sa Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code ng Pilipinas, may multang P5,000 para sa mga may-ari ng sasakyang hindi nagkabit o hindi wasto ang pagkakabit ng kanilang plaka.

 

Ayon pa kay Asec Mendoza, bagaman nagkaroon ng problema sa supply ng plaka simula noong 2014, naresolba na ang backlog para sa mga plaka ng mga four-wheel vehicles.

 

Samantala, inaasahang matatapos na rin ang backlog para sa mga motorsiklo bago o sa Hulyo ngayong taon.

 

“Meron po kaming database ng mga plakang na-release na at magbabayad po kayo ng P5,000 na penalty kapag napatunayan na tinamad or talagang wala kayong balak na ikabit ang mga plakang na-release na sa inyo,” babala ni Asec Mendoza. (PAUL JOHN REYES)