• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 19, 2025
    Current time: October 19, 2025 6:30 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO nakapagtala ng ₱25.4-B kita, patungo na sa pinakamataas na koleksyon sa kasaysayan

NAKAPAGTALA muli ng panibagong tagumpay ang Land Transportation Office (LTO) sa pamumuno ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II matapos makalikom ng kabuuang ₱25.4 bilyon mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon.

Ayon kay Asec Mendoza, ang positibong takbo ng kita ng ahensya ay patunay na kayang makamit ang itinakdang ₱34 bilyong target sa 2025, isang layuning itinakda niya kasabay ng pagpapatupad ng mga reporma sa mga patakaran ng LTO.

“Sa ganitong bilis ng koleksyon, malinaw na nasa tamang direksyon tayo upang maabot ang target para sa 2025 na siyang magiging pinakamataas sa kasaysayan ng LTO,” dagdag pa niya.

Batay sa datos ng LTO hanggang Setyembre 30, umabot sa ₱25,469,343,321.16 ang nakolekta, o katumbas ng halos 75% ng target na koleksyon para sa taon.

Sa LTO Central Office, nalampasan na rin ang target na ₱906 milyon para sa 2025 dahil umabot na sa ₱1.4 bilyon ang koleksyon hanggang Setyembre 30.

Tatlong rehiyon na lamang ang may kulang na mas mababa sa 20% ng kani-kanilang target, habang halos lahat ay mas mababa sa 30%. Gayunman, nananatiling kumpiyansa si Asec Mendoza na makakamit ng lahat ng Regional Office ang kani-kanilang mga target sa nalalabing tatlong buwan ng taon.

Kasabay nito, tiniyak ng LTO Chief na patuloy ang maayos na financial management ng ahensya at kumpiyansa siyang maaabot nila ang ₱34 bilyong target na itinakda ng kanyang tanggapan noong nakaraang taon.

Binigyang-diin din ni Asec Mendoza ang kahalagahan ng mga nakokolektang pondo dahil ito ay ginagamit upang pondohan ang iba’t ibang programa at serbisyong pampubliko sa ilalim ng Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

“Hindi pa tapos ang ating laban, mayroon pa tayong ₱8 bilyon na kailangang kolektahin, at sa inyong dedikasyon at pagtutulungan, tiyak na maaabot natin ito. Maraming salamat sa inyo!” pagtatapos ni Asec Mendoza. (PAUL JOHN REYES)