LTO NAGSAGAWA NG PERFORMANCE EVALUATION, 68 ENFORCERS SINIBAK
- Published on September 29, 2025
- by @peoplesbalita
SINIBAK ng Land Transportation Office (LTO), sa patnubay ni Acting Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, ang 68 enforcer na nakatalaga sa Central Office ng ahensya sa Quezon City.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang hakbang na ito ay bunga ng isinagawang performance evaluation matapos ang sunod-sunod na reklamo at ulat ng iregularidad mula sa mga motorista at netizens, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyakin ang pananagutan at integridad sa serbisyo publiko.
“Bahagi rin ito ng aming pagsisikap na alisin ang katiwalian at gawing propesyonal ang hanay ng mga enforcer ng LTO,” ani Asec Mendoza.
Kamakailan, iniutos ni Asec Mendoza ang pagsusuri ng lahat ng performance evaluation at reklamo na natanggap ng ahensya mula sa social media at iba pang platforms, kaugnay sa mga alegasyon ng katiwalian, partikular ang panunuhol at pangingikil.
Nagmula ang mga ulat mula sa mga netizens, motorista, at sa mga tinaguriang mystery agents na ipinadala mismo ni Asec Mendoza upang subukin ang integridad ng mga enforcer, katuwang ang mga stakeholder sa transport sector.
“Enough is enough. Hindi ko hahayaang masira ng katiwalian at maling gawain ang mga positibong tagumpay na bunga ng sipag at sakripisyo ng ating LTO family,” pagbibigay-diin ni Asec Mendoza.
Kabilang sa mga nasabing tagumpay ang tuluyang paglutas sa 11-taong backlog ng milyun-milyong plaka, paglulunsad ng mga online platform para sa renewal ng driver’s license dito at maging sa ibang bansa, at pagpapatupad ng online service para sa delivery ng mga plaka at lisensya.
Dagdag pa ni Asec Mendoza, siya mismo ang mangunguna sa proseso ng pagtanggap ng mga bagong tauhan sa LTO Law Enforcement Service upang matiyak na tanging mga karapat-dapat at may malasakit sa integridad at sipag ang mabibigyan ng pagkakataong makapaglingkod sa ahensya.
Bukod sa pagpapabuti ng serbisyo at paglutas sa halos imposibleng mga isyu ng ahensya, pursigido rin si Asec Mendoza sa pagbibigay ng seguridad sa trabaho sa LTO nitong nakaraang dalawang taon na sa ngayon ay nakikinabang na ang ilang mga job order employee. (PAUL JOHN REYES)