LTO, NAGSAGAWA AGAD NG IMBESTIGASYON AT SUSPENSYON SA ILANG TAUHAN NITO DAHIL SA REKLAMO NG ISANG TRANSPORT BLOGGER/WRITER
- Published on January 7, 2026
- by @peoplesbalita
AGAD na ipinag-utos ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang pagsasagawa ng masinsinan at patas na imbestigasyon kaugnay ng reklamong inihain ng transport blogger at writer na si Ginoong James Deakin laban sa ilang tauhan ng LTO Central Office.
Kasabay nito, iniutos din ni Asec. Lacanilao ang pansamantalang suspensyon ng mga LTO personnel na umano’y nasangkot, habang isinasagawa ang masusing pagsisiyasat hinggil sa alegasyong iregularidad sa pagproseso ng nakumpiskang driver’s license ng anak ni G. Deakin. Ang nasabing insidente ay naganap matapos ang isang paglabag sa batas-trapiko sa Skyway Stage 3, Quezon City noong Disyembre 18, 2025.
Ayon kay Asec. Lacanilao, humiling na ang LTO ng kopya ng CCTV footage mula sa Skyway Corporation upang matukoy kung naging makatuwiran at naaayon sa patakaran ang ginawang panghuhuli ng deputized Law Enforcement Officer na sangkot sa insidente. Ang pagsusuri sa CCTV ay bahagi ng komprehensibong imbestigasyon ng ahensya upang matiyak ang katotohanan ng mga pangyayari at mapanatili ang tiwala ng publiko.
Tiniyak ni Asec. Lacanilao sa publiko na hindi binabalewala ng LTO ang mga alegasyong inilahad ni G. Deakin. Aniya, “Naninindigan ang LTO sa integridad, pananagutan, at patuloy na repormang institusyonal. Binibigyang-diin din namin na bukas at handang makinig ang tanggapan ng LTO Chief sa lahat ng mamamayan, mula sa iba’t ibang antas ng lipunan, at nananatiling madaling lapitan ng mga nangangailangan ng tulong, paglilinaw, o nararapat na remedyo sa pamamagitan ng wasto at naaayon sa batas na mga proseso.”
Idinagdag pa ni Asec. Lacanilao na, “Mahalaga ang puna at opinyon ng publiko sa pagtukoy ng mga bahagi ng aming mga proseso na maaaring higit pang pagbutihin upang mas mahusay na mapagsilbihan ang sambayanang motorista.”
Binigyang-diin ng LTO na kung mapatutunayang may pagkukulang o paglabag sa umiiral na mga patakaran, ang mga nararapat na hakbang pandisiplina at pagwawasto ay agarang ipatutupad, alinsunod sa batas at sa layunin ng ahensya na panatilihin ang isang sistemang patas, malinaw, at tapat sa paglilingkod sa publiko. (PAUL JOHN REYES)