• October 21, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 21, 2025
    Current time: October 21, 2025 8:52 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO, naglabas ng SCO laban sa may-ari at driver ng truck sa Marikina crash

NAGLABAS ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rehistradong may-ari at driver ng trailer truck na sangkot sa serye ng banggaan sa Marikina City noong gabi ng Miyerkules, Abril 23, isang trahedyang nagresulta sa pagkasawi ng hindi bababa sa tatlong katao. Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pagpapalabas ng SCO ay unang hakbang sa imbestigasyon kung saan inaasahang magbibigay ng kanilang paliwanag ang may-ari at driver ng trak kaugnay ng insidente. “Nais naming malaman kung ano talaga ang nangyari, at bahagi niyan ay ang pagtukoy kung may pagkukulang sa panig ng nakarehistrong may-ari pagdating sa maintenance ng trak at sa kondisyon ng driver noong oras ng aksidente,” pahayag ni Asec Mendoza. Batay sa ulat ng pulisya, may kargang 40-foot container van ang trak at bumabaybay sa Fortune Avenue sa Marikina City bandang alas-10 ng gabi nang bigla itong huminto at umusad paatras habang nasa paakyat na bahagi ng kalsada.Ayon pa sa ulat ng pulisya, nawalan umano ng preno ang trak. “Patuloy itong umatras hanggang sa tumagilid ang chassis ng trailer kasama ang kargang container, na tuluyang nadaganan ang tatlong sasakyan. Ang biglaang pag-atras ay nagdulot ng sunod-sunod na banggaan, na humantong sa pagkakasangkot ng dalawa pang sasakyan,” ayon sa ulat. Tatlong katao ang nasawi kabilang umano ang isang driver ng jeepney at dalawang sakay ng isang sedan habang sampu naman ang sugatan. Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng trak. Ayon kay Asec Mendoza, ang driver ng trak ay hihingan ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa para sa reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle na may katumbas na parusang pagbawi ng lisensya. Dagdag ni Asec Mendoza, layunin ng imbestigasyon na matukoy kung ang trak ay maayos na minementena. Sisiyasatin din ng mga imbestigador ng LTO kung may naganap na overloading. Agad namang sinuspinde ang lisensya ng driver ng trak habang isinailalim sa alarma ang mismong sasakyan. (PAUL JOHN REYES)

 

https://images.app.goo.gl/52i1cNwZvcEyzwNs5