• March 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO INIMPOUND ANG VOLKSWAGEN JETTA NA NAKA-BLINKER AT NAGPANGGAP NA DIPLOMAT

INIMPOUND ng Land Transportation Office (LTO) sa pamumuno ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang Volkswagen Jetta na dating inisyuhan ng Show Cause Order ng LTO dahil ang sangkot na sasakyan ay naka-blinker sa gitna ng trapik at nagpapanggap na diplomat car.

Ang nasabing sasakyan ay inimpound at ang driver’s license ng sangkot na driver ay kinumpiska dahil sa mga paglabag sa pagmamaneho nang walang updated na rehistro ng sasakyan, kawalan ng tamang plaka at paggamit ng hindi awtorisadong motor vehicle accessories.

Binigyang-diin ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, :
“Walang sinumang mas mataas sa batas ng daanan. Hindi po tayo maaaring gumamit ng mga palusot tulad ng pagpapanggap na diplomat para makalusot sa mga regulasyon ng LTO. Ang mga patakaran natin ay inilaan para sa kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada at para tiyakin na lahat ay pantay-pantay sa harap ng batas. Ang paglilitis na ito ay patunay na seryoso ang LTO sa pagpapatupad ng mga batas trapiko, at hindi tayo titigil hanggang sa makamit natin ang ligtas at maayos na daanan para sa lahat.”

Ang may-ari ng sasakyan at ang driver ay kailangang tumupad sa mga kinakailangang proseso ng LTO para mabayaran ang mga multa at matugunan ang mga paglabag bago maibalik ang kanilang sasakyan. Patuloy na nagsasagawa ng operasyon ang LTO laban sa mga labag sa batas trapiko para mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa mga kalsada ng bansa. (PAUL JOHN REYES)