• March 31, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO AT LTFRB, NAG-DEPLOY NG MGA KARAGDAGANG SASAKYAN PARA MAKAPAGBIGAY NG LIBRENG SAKAY

NAG-DEPLOY ng mga karagdagang sasakyan ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para makapagbigay ng libreng sakay sa mga pasahero.

Iniutos ni Transportation Secretary Banoy Lopez sa LTO at LTFRB na ipagamit ang mga available nilang service vehicles para tulungan ang mga komyuter, alinsunod sa direktiba ng Pangulo.

Sa ngayon, 20 service vehicles na ang idineploy ng LTFRB. Sampu (10) rito ay para sa rutang Fairview-Quiapo, at sampu (10) rin sa rutang SM Masinag-Quiapo.

Nasa 12 units naman ang inilabas ng LTO para umalalay sa mga pasahero sa Philcoa, Commonwealth, Aurora Boulevard, Monumento, Quirino Highway at Fairview.

Ang mga sasakyang idineploy ng LTO at LTFRB ay bukod pa sa mga bus na nauna nang idineploy ng Office of the President (OP), Philippine Coast Guard, Philippine National Police at Department of Energy para sa mga rutang Philcoa-Cubao, Welcome Rotonda-Cubao, Lawton-Welcome Rotonda, Lawton-PITX, Nagtahan-Cubao, at Commonwealth-Fairview.

Iniutos din ni Secretary Lopez na ipagpatuloy ang libreng sakay sa mga susunod na araw kahit walang tigil-pasada para matulungan ang mga pasahero.
(PAUL JOHN REYES)