LTFRB, SINUSPINDE ANG OPERASYON NG RIDE-HAILING VEHICLE DAHIL SA VIRAL SEXUAL HARASSMENT POST, SCO INISYU LABAN SA KUMPANYA
- Published on January 14, 2026
- by @peoplesbalita
NAGLABAS ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa isang ride-hailing service company kaugnay ng viral na post hinggil sa insidente ng sexual harassment ng isa nitong driver sa babaeng pasahero.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, inatasan din ang kumpanya na iharap sa Board ang driver na sangkot sa viral post. Nakilala na ang driver sa naturang post.
“This is not acceptable. Napanood ko mismo ang viral video at bilang isang magulang, nakakagalit ang ginawa ng driver na ito. We already issued a show cause order and I will personally monitor the conduct of the investigation of this case,” ani Chairperson Mendoza.
Dagdag pa niya, “We assure the victim and his family and friends na hindi namin palalagpasin ito.” Binigyang-diin ni Mendoza na ang mabilis na aksyon ng LTFRB ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na protektahan ang interes ng riding public at habulin ang mga pasaway na driver.
Batay sa viral post, paulit-ulit na nagtanong ng mga hindi angkop na katanungan ang driver ng electric vehicle ride-hailing service sa kanyang babaeng pasahero.
Habang nasa biyahe, iminungkahi pa ng driver na mag-reroute sa C5 Road. Hindi pa nakuntento, ilang ulit niyang binagalan ang takbo ng sasakyan habang patuloy na nagtatanong ng mga hindi kanais-nais na katanungan.
Naging traumatic ang insidente para sa pasahero, ngunit sa kabutihang-palad ay nakauwi siya nang ligtas.
Sa inilabas na SCO, sinuspinde ng LTFRB sa loob ng 30 araw ang operasyon ng motor vehicle na may plakang DBV-1863, habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.
Inatasan din sa parehong SCO na sumailalim ang driver sa compulsory drug testing sa isang awtorisadong accredited agency ng Department of Health at Land Transportation Office.
Nakasaad sa kautusan: “Respondent-operator, is hereby directed to surrender the plates of the involved unit, to the Legal Division of this Board immediately upon receipt of this Order.”
Bukod dito, inatasan ang operator na magpaliwanag sa loob ng limang araw mula sa pagtanggap ng SCO kung bakit hindi dapat kanselahin o bawiin ang Certificate of Public Convenience na ibinigay sa kumpanya kaugnay ng insidente. (PAUL JOHN REYES)