LTFRB rerepasuhin ang mga prangkisa
- Published on October 18, 2025
- by @peoplesbalita
INUTOS ng bagong talagang chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na si Atty. Vigor Mendoza sa lahat ng Regional Directors ng ahensiya na magbigay ng mga datos tungkol sa mga prangkisa na binigay ng LTFRB.
Ang nasabing hakbang ni Mendoza ay upang mabigyan ng solusyon ang problema sa transportasyon lalo na sa mga pangunahing lungsod sa bansa. Binigyan ng deadline ni Mendoza ang mga regional directors na magsumite ng mga nasabing datus ng mga aprobadong mga prangkisa at kung ilan ang sa mga ito ay may operasyon pa hanggang ngayon. Ang nasabing deadline ay sa October 19 na.
“We have to get this data so that we can decide properly and appropriately. The Filipino people can be assured of data-based decision making that will benefit millions of commuters,” wika ni Mendoza.
Kamakailan lamang ay sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez na masyadong magulo ang sektor ng transportasyon kung kayat pinag-utos niya na dapat ang mga opisyales ng kanyang departamento ay sumakay sa mga pampublikong transportasyon upang magkaroon sila ng karanasan sa hirap ng pagsakay. Kahit isang beses lang sa loob ng isang linggo nila ito gawin sa kanilang pag-pasok sa opisina upang sila mismo ay makapagbigay ng tamang solusyon sa problema sa sektor ng transportasyon.
Sa isang ginawang pag-aaral, sa Metro Manila, ang mga pasahero ay naglalaan ng madaming oras makasakay lamang sa pampublikong transportasyon tulad ng buses at jeepneys.
Hindi lamang sa Metro Manila ito nangayayari subalit sa mga probinsya rin lalo na sa mga lungsod sa Visayas at Mindanao, ayon sa isang ulat. Kung kaya’t sinabi ni Mendoza na ang pagbibigay ng solusyon sa problema ng pagsakay ay kailangan magsimula sa pag-aaral ng mga tamang datos. Mula sa Land Transportation Office (LTO), kung saan si Mendoza ay dating nakatalaga bilang assistant secretary, ay dinala niya ang mga karanasan at kaalaman sa transportasyon upang mabigyan pansin ang mga problema sa pampublikong transportasyon. Isa mga karanasan niya sa LTO ay ang naresolbang problema sa 11-taon backlog sa license plates at kakulangan ng supply ng plastic cards para sa mga driver’s license.