LTFRB, NAGLABAS NG SCO VS 8 BUS COMPANIES NA NAGTAAS NG PASAHE
- Published on April 4, 2026
- by @peoplesbalita
NAGLABAS ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa walong kompanya ng bus na umano’y nagtaas ng pasahe nang walang pahintulot mula sa pamahalaan.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, ilan sa mga naturang kompanya ay bumibiyahe sa mga ruta patungong Bicol Region. Ang mga ito ay posibleng masuspinde o makansela ang kanilang Certificate of Public Convenience (CPC), isang mahalagang dokumento para sa operasyon ng pampublikong transportasyon.
“Nauunawaan namin ang mga hamon na kinakaharap ng mga kompanya ng bus at iba pang operator ng pampublikong sasakyan, ngunit hindi dapat gawing dahilan o palusot ang mga ito para lumabag sa umiiral na regulasyon at isakripisyo ang kapakanan ng mga pasahero,” ani Chairperson Mendoza.“Hindi ito katanggap-tanggap at dapat nilang ipaliwanag nang maayos kung bakit hindi sila dapat parusahan,” dagdag pa niya.
Batay sa SCO, binigyan ng sampung (10) araw ang mga kompanya mula sa pagtanggap ng kautusan upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat masuspinde o makansela ang kanilang CPC dahil sa umano’y pagdagdag ng pasahe bunsod ng pagtaas ng presyo ng langis nang walang pahintulot ng LTFRB.
Nakasaad din sa kautusan na lahat ng naturang kompanya ay inatasang agad na itigil ang labis na paniningil o pagdaragdag ng pasahe.
Itinakda ang pagdinig para sa mga kompanya sa Abril 23, 2026, at nagbabala ang LTFRB na ang hindi pagsusumite ng paliwanag o hindi pagdalo sa pagdinig ay ituturing na pagwawaksi sa karapatang marinig at magreresulta sa multa na P5,000.
Matatandaang nag-apruba ang LTFRB ng dagdag pasahe para sa mga pampublikong sasakyan, kabilang ang mga bus, ngunit ipinagpaliban ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang implementasyon nito dahil sa masamang epekto ng biglaang pagtaas ng presyo ng langis.
“Malinaw at simple ang utos ni Pangulong Marcos at ni DOTr Secretary Lopez: walang dapat na dagdag pasahe. At hindi namin papayagan ang sinumang sumuway sa utos na ito,” giit ni Chairperson Mendoza.
Nagbabala rin ang LTFRB sa mga operator ng pampublikong sasakyan na huwag maningil ng labis sa mga pasahero. Naka-deploy na ang mga mystery riders upang tugisin ang mga lumalabag na driver at operator.
Hinimok ni Chairperson Mendoza ang mga mananakay na i-report sa LTFRB ang anumang kaso ng ilegal na pagtaas ng pasahe o labis na paniningil.
(PAUL JOHN REYES)