• February 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB NAGLABAS NG SCO LABAN SA KUMPANYA NG BUS DAHIL SA RECKLESS DRIVING SA VIRAL VIDEO

NAGLABAS ng show cause order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Kalihim Giovanni “Banoy” Z. Lopez, laban sa kumpanya ng bus dahil sa insidente ng mapanganib na pagmamaneho sa isang expressway.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa netizen na nag-upload ng naturang video sa kanyang Facebook account, na natukoy ng LTFRB social media monitoring team, upang makuha ang karagdagang detalye ng insidente.

“Napanood ko ang video at malinaw na may paglabag sa panig ng tsuper ng bus. Iniimbestigahan na natin kung may mga pasaherong sakay ang bus noong oras ng insidente,” ani Chairman Mendoza.

Sa video, maririnig ang uploader na nagbibigay ng komento habang kinukunan ang pangyayari gamit ang smartphone o dashcam. Makikita ang bus na gumagawa ng mapanganib na maniobra laban sa isang trak sa expressway. Mabuti na lamang at hindi gumanti ang tsuper ng trak habang mabilis na umalis ang bus.

Binanggit ni Chairman Mendoza na hindi katanggap-tanggap ang asal ng tsuper at ito ay isasailalim sa imbestigasyon bilang bahagi ng due process. Ang video ang nagsilbing batayan upang matukoy ang bus.

Naglabas na ng show cause order laban sa kupanya ng bus na inatasang kilalanin at iharap ang tsuper sa pagdinig na nakatakda sa Pebrero 25, 2026. Inatasan din ang kompanya at ang tsuper na magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa insidente.

“Ang kabiguan ng mga respondent na humarap sa Hearing Officer at magsumite ng sagot ay ituturing na pagwawaksi ng karapatan na marinig at magreresulta sa pagpataw ng kaukulang parusa,” ayon sa show cause order na may petsang Pebrero 9.

Hinimok ni Chairman Mendoza ang mga kompanya ng bus na disiplinahin ang kanilang mga tauhan at ipinaalala na ang buhay ng mga pasahero at iba pang gumagamit ng kalsada ay palaging nanganganib sa mga insidente ng road rage at iba pang maling asal sa kalsada.

Dagdag pa niya, paiigtingin ng LTFRB ang mas aktibong pagmamanman at mabilis na pagtugon sa mga reklamo laban sa mga pasaway na PUV driver at operator.
(PAUL JOHN REYES)