LTFRB, NAGLABAS NG POLISIYA PARA SA REGULARIZATION NG MGA TNVS NA NA-ONBOARD NG TNCs SA ILALIM NG TINATAWAG NA “TEMPO”
- Published on October 9, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGLABAS ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng polisiya para sa regularization ng mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) na na-onboard ng Transport Network Companies (TNCs) sa ilalim ng tinatawag na “tempo.”
Ang “tempo” ay tumutukoy sa pag-onboard ng TNCs ng mga TNVS unit sa kanilang digital platforms kahit wala pang kaukulang authority mula sa LTFRB. Paglabag ito sa mga panuntunan ng ahensya dahil nakapagseserbisyo ang mga unit sa publiko nang walang valid authority.
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., magsisimula ang pagtanggap ng aplikasyon sa Oktubre 8 at tatagal ng 30 calendar days. Online lamang ang pagsusumite sa opisyal na LTFRB digital platform na https://ltfrb-foa.pho sa iba pang portal na itatalaga ng ahensya.
Maaaring direktang mag-apply ang mga kwalipikadong TNVS operator o magsumite ng aplikasyon ang accredited TNCs sa pamamagitan ng kanilang authorized representatives para sa mga kwalipikadong driver.
Sinabi ni Acting Chairman Pua na layunin ng LTFRB, sa ilalim ng Memorandum Circular 2026-111, na matulungan ang libo-libong TNVS driver na umasa nang may mabuting loob sa onboarding ng TNCs at nagkaroon ng malaking gastusin dahil dito.
Binigyang-diin din ni Acting Chairman Pua na na tanging mga unauthorized TNVS unit na nakalista sa validated masterlists na naunang isinumite ng mga TNCs ang saklaw ng regularization.
Nilinaw niyang hindi ito pangkalahatang pagbubukas ng bagong TNVS applications at hindi rin nito inaalis ang anumang administrative liability ng TNCs dahil sa pag-onboard ng unauthorized vehicles.
Saklaw ng polisiya ang MUCEP (Metro Manila Urban Transportation Integration Study Update and Capacity Enhancement Program) area, at hindi tatanggapin ang mga aplikasyon na isusumite matapos ang deadline. Ang bilang ng regularization slots ay katumbas ng bilang ng unauthorized TNVS units na nakasaad sa validated masterlists at official records ng Board.
Para maging kwalipikado, kailangang matugunan ng mga unit ang mga itinakdang kondisyon sa roadworthiness. Tanging mga sasakyang ang plate number ay nasa validated masterlist ang maaaring mag-apply.
Kailangang pumasa ang sasakyan sa roadworthiness test sa isang LTFRB-recognized Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC). Direktang ipapadala ng PMVIC sa LTFRB system ang proof of inspection bago mailabas ang Provisional Authority (PA).
Hindi kwalipikado ang mga sasakyang lampas sa pitong taong age limit. Gayunman, maaaring palitan ang overage unit ng kwalipikadong substitute vehicle alinsunod sa umiiral na LTFRB rules bago mabigyan ng authority.
Para mapabilis ang proseso, hindi na kailangang manu-manong mag-upload ng Personal Passenger Accident Insurance (PPAI) policy. Sa halip, kailangang kumuha ng insurance mula sa accredited provider na integrated sa LTFRB system upang awtomatikong lumitaw ang policy details sa online portal ng aplikante.
Kinumpirma rin ng ahensya na hindi ipatutupad sa mga aplikasyon sa ilalim ng memorandum circular na ito ang ilang naunang restriction, partikular ang three-year vehicle model limitation at five-vehicle cap kada aplikante na nakasaad sa MC No. 2026-008. (PAUL JOHN REYES)