LTFRB, NAGBABALA SA MGA ROAD BULLY, OPERATOR NG PASSENGER BUS IPINATAWAG DAHIL SA DANGEROUS OVERTAKING VIDEO
- Published on September 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGBABALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, laban sa mga PUV driver na naglalagay sa panganib sa kapwa gumagamit ng kalsada matapos maglabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa operator ng isang pampasaherong bus na nasangkot sa viral na video ng mapanganib na pag-counterflow.
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., ipinadala na ang SCO sa Victory Liner, na inatasang ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang Certificate of Public Convenience (CPC) nito dahil sa mapanganib na pagmamaneho ng isa sa mga driver nito.
“Hindi lugar ang kalsada para mang-bully ang malalaking sasakyan sa maliliit na sasakyan. Hindi natin ito pahihintulutan, at ang sinumang gagawa nito sa sektor ng pampublikong transportasyon ay mananagot,” ani Acting Chairman Pua.
Sa viral na video, makikitang umagaw ng kabilang linya ang bus habang nag-overtake sa mga sasakyan. Lalong naging mapanganib ang insidente dahil ginawa ito sa blind curve, dahilan upang mapilitang umiwas sa gilid ng kalsada ang isang rider.
Ang video, na namonitor ng LTFRB sa social media, ang nagsilbing batayan sa pagpapalabas ng SCO. Nakasaad dito na nalagay sa panganib ang mga gumagamit ng kalsada at nabigo ang operator na makapagbigay ng ligtas at maayos na serbisyo sa pampublikong transportasyon.
Nahaharap din ang operator sa administratibong kaso dahil sa pagkuha ng reckless driver. Itinakda ang pagdinig sa Setyembre 10.
Muling pinaalalahanan ni Acting Chairman Pua ang mga PUV driver na pairalin ang disiplina, pag-iingat at paggalang sa kapwa gumagamit ng kalsada.
“Maiiwasan ang mga aksidente sa kalsada sa pamamagitan ng disiplina at paggalang sa kapwa gumagamit ng kalsada. Sa LTFRB, patuloy nating pananagutin ang sinumang lalabag dito,” aniya. (PAUL JOHN REYES)
News 1 with photo attached
Binata, isinelda sa pagnanakaw, baril at droga sa Valenzuela
PATONG-PATONG na kaso ang kakaharapin ng isang binata matapos magnakaw, ay nakuhanan pa ng baril at illegal na droga sa Valenzuela City, Martes ng madaling araw.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Jovert”, 26, ng Barangay Caingin, Meycauayan City, Bulacan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, habang natutulog sa loob ng kanilang bahay sa P. Gregorio Extension, Barangay Linguna ang biktimang si alyas “Bryan”, 45, nang magising siya at makita ang suspek na nasa loob dakong alas-3:30 ng madaling araw.
Nang mapansin naman ng suspek na nagising ang biktima, kaagad itong tumakas habang nang tignan ni ‘Bryan’ ang kanyang mga gamit ay nadiskubre nito na nawawala na ang kanyang cellphone at P40,000 cash na nakalagay sa loob ng bag.
Kaagad nagtungo ang biktima sa barangay Lingunan para i-report ang insidente na nagkataon namang naroon sa barangay ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 6 na silang hiningan ng tulong ni ‘Bryan’.
Kasama ang biktima, kaagad nagsagawa ng follow up operation ang mga pulis hanggang sa makita nila ang suspek na naglalakad sa kahabaan ng Acacia Street, sa nasabing barangay na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya dakong alas-6:00 ng umaga nang positibong itinuro ng biktima.
Narekober sa suspek ang itim na belt bag, cellphone at P5,350 cash na pagmamay-ari ng biktima habang nasamsam pa sa kanya ang isang improvised firearm na kargado ng isang bala at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,176.00.
Ayon kay SDEU investigator PSSg Pamela Joy Catalla, kasong paglabag sa Article 308 (Theft) of the RPC, R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) sa Valenzuela City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng Inquest Proceedings. (Richard Mesa)